Magkasintahan 'dinukot' ng mga pulis, hiningan ng P250k para makalaya

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 09:31 AM | Updated as of May 10 2017 11:49 AM

MANILA - Kinulong ang 4 na pulis Miyerkoles matapos silang ireklamo ng magkasintahang dinukot umano nila at hiningan ng P250,000 para makalaya.

Kuwento ng biktimang si "Mark," nasa isang talyer siya at ang kanyang kasintahan sa Merville, Pasay nitong Lunes ng hapon nang dumating ang 4 na lalaking nagpakilalang pulis kahit hindi naka-uniporme.

Pilit aniya silang isinakay ng mga lalaki sa isang itim na kotse at dinala sa Pasong Tamo Extension.

Ipinakita umano ng 4 kay Mark ang litrato ng isang indibidwal na hindi naman niya kilala.

Hiningan din umano siya ng mga ito ng P400,000 para pakawalan.

"Sinabi ko wala ako ganoong kalaking halaga. May police nag-offer, sabi 'Kung may sasakyan ka, isangla mo kapalit ng kalayaan mo,'" ani Mark.

Kalaunan, bumaba sa P250,000 ang hinihingi ng mga pulis matapos makipagtawaran si Mark.

Pinalaya siya at kanyang nobya nitong Martes ng madaling-araw matapos makapagbigay ng paunang bayad na P100,000 na mula sa pinagsanglaan ng kotse ng ama.

Nagbanta umano ang mga pulis na "uubusin" ang pamilya ni Mark kung hindi niya maibibigay ang natitirang P150,000.

Dito na nagsumbong sa pulisya si Mark, dahilan para magkasa sila ng entrapment operation na humantong sa pagkakaaresto ng mga suspek, Miyerkoles.

Nakilala ang 4 pulis na sina PO2s Harley Garcera at Clarence Maynas, at PO1s Tim Santosy at Jeffrey Cañete.

"We are still digging on the record but according mismo to them, may iba na silang ginagawang similar incident so we are trying to convince na lumutang [ang ibang witnesses]," ani Sr. Supt. Jose Malayo, hepe ng police Counter-Intelligence Task Force.

"Mayroong 1 in Cavite and 1 in Tagaytay. Kung may victim, welcome to come to our office para mag-file ng kaso," dagdag ni Malayo.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang 4 na naarestong pulis na nahaharap sa kasong robbery extortion at kidnapping.

May 3 pang kasama ang grupo na patuloy na pinaghahanap ng pulisya.

Nagpasalamat naman si Mark sa mga opisyal na tumulong sa kanya. Aniya, "Mayroon pa ring mabubuting pulis."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.