Lalaki, ‘napagtripang’ barilin ng nagpakilalang PDEA agent

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 10:42 AM | Updated as of May 10 2017 11:50 AM

Isang lalaki ang sugatan matapos siyang barilin ng suspek na nagpakilalang miyembro umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Miyerkules ng madaling araw sa Mandaue City, Cebu.

Nagpapagamot ngayon sa ospital si Ruel Mirasol na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang balikat.

Ayon sa isa sa mga kaibigan ni Mirasol na si Emman Galeogo, nasa tindahan na sa Barangay Ibabao Estancia ang di pa nakikilalang suspek nang dumating sila para maginuman.

Mga 5 minuto lamang umano ang nakalipas nang biglang gambalain sila ng suspek bago ito tumungo sa kanyang sasakyan at paputukan ang biktima.

Sinabi ng pulis na papuntang Cebu City ang suspek. Swerte namang naplakahan ng mga tambay sa lugar ang sasakyan ng suspek na VM 7096.

Nakikipag-ugnayan na ngayon sa Land Transportation Office ang pulisya habang tinitingnan din ang anggulong napagtripan lamang ang biktima.

Sinusubukan din makakuha ng pulisya ng kopya ng CCTV ng tindahan upang matulungan silang makilala ang suspek.