Jeep nahulog sa bangin sa Bukidnon; 11 sugatan

PJ dela Peña, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 09:20 PM

BUKIDNON- Labing-isang pasahero ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang jeep sa Barangay Palacapao sa bayan ng Quezon sa Bukidnon Lunes ng umaga.

Ayon sa Bayan Patroller na si Margie Sumile Pajo, balak sana ng driver ng jeep na mag-park sa lugar para kumuha ng mga litrato sa overview ngunit hindi gumana ang brake ng jeep.

Umatras ang jeep papunta sa mga tindahan sa lugar, pero sa sobrang pagkabig ng manubela ng driver ay nahulog bigla sa bangin ang jeep.

Kabilang sa 11 sakay ng jeep ang isang anim na buwang gulang na sanggol.

Pawang mga minor injuries ang natamo ng mga biktima.

Kagagaling lang sa Plaridel, Misamis Occidental ng mga biktima para mag-attend ng reunion. Pauwi na sila sa Monkayo, Compostela Valley nang mangyari ang aksidente.

Tumulong ang mga pulis at residente upang mailigtas ang mga sakay ng jeep.

Agad silang dinala sa ospital para maipagamot.

May lalim na 50 metro ang bangin kung saan nahulog ang jeep.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.