Hepe ng Makati police, sinibak dahil sa kidnap-extortion

Henry Atuelan, DZMM

Posted at May 10 2017 12:28 PM | Updated as of May 10 2017 03:36 PM

MANILA - Tinanggal sa puwesto Miyerkules ang hepe ng Makati police at intelligence division nito matapos madawit ang 4 na tauhan nila sa umano'y pagdukot at paghingi ng P250,000 mula sa isang magkasintahan.

Sinibak sa puwesto sina Makati police chief Senior Supt. Dionisio Bartolome at Makati intelligence head Chief Insp. Oscar Pagulayan dahil sa command responsibility, ayon sa police Directorate for Personnel and Record Management.

Nauna nang inalis sa puwesto ang mga tauhan nilang sina PO2 Harley Garcera at PO2 Clarence Maynas, at PO1 Tim Santosy at PO1 Jeffrey Cañete na pawang inireklamo ng robbery extortion at kidnapping.

Kuwento ng biktimang si "Mark," nasa isang talyer siya at ang kanyang kasintahan sa Merville, Pasay nitong Lunes ng hapon nang dumating ang 4 na pulis.

Pilit aniya silang isinakay ng mga lalaki sa isang itim na kotse at dinala sa Pasong Tamo Extension.

Humingi umano ang mga pulis ng P400,000 para palayain ang magkasintahan, pero nababa ito sa P250,000 matapos makipagtawaran ang mga biktima.

Nakalaya sina Mark at kanyang nobya Martes ng madaling-araw matapos makapagbigay ng paunang bayad na P100,000 na mula sa pinagsanglaan ng kotse ng ama.

Nagbanta umano ang mga pulis na "uubusin" ang pamilya ni Mark kung hindi niya maibibigay ang natitirang P150,000.

Dito na nagsumbong sa pulisya si Mark, dahilan para magkasa sila ng entrapment operation na humantong sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Nadiskubre naman ng Counter-Intelligence Task Force na dati nang sangkot ang 4 pulis sa mga kaparehong modus sa Cavite at Tagaytay, batay na rin sa kanilang pag-amin.

Hinikayat ni CITF chief Sr. Supt. Jose Malayo na lumutang ang iba pang nabiktima ng grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.