EXCLUSIVE: 4 senior citizens, na-'tanim-droga' rin

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 08:45 PM | Updated as of May 10 2017 10:48 PM

Lumalabas na may isa pang insidente ng umano’y ‘tanim-droga’ na pawang senior citizens naman ang nabiktima.

Ito ay sa gitna ng pagpapasaklolo kina Pangulong Duterte at National Police chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa” ng isang kawani ng gobyerno na umano’y nabiktima rin ng ‘tanim-droga’ sa Bacolor, Pampanga. 

Nitong Nobyembre, sinalakay umano ng hindi bababa sa 25 tauhan ng Manila Police District Anti-Illegal Drugs Operation Task Group ang isang hotel sa Sta. Cruz, Maynila.

Naaresto sa bisa ng search warrant ang 61-anyos na si Api Ang, may-ari ng coffee shop sa hotel. Hinuli rin ang 64-anyos na si Henry Go. Gayundin ang asawa niya at hipag na mga senior citizen din. Ito'y matapos umano silang mahulihan ng mga droga, drug paraphernalia, at 12 piraso ng live ammunition.

Sa joint affidavit ng mga arresting officer, nakita umano ng mga pulis sina Ang at Go sa tapat ng coffee shop. Dinala raw sila sa unit ni Ang para maisilbi ang search warrant. Doon daw nasamsam ang mga droga at bala.

Taliwas naman ito sa kuha ng CCTV ng hotel na nagpapakitang matapos isama si Ang ng mga pulis sa kanyang unit, tatlong oras pa ang lumipas bago sila lumabas. Binitbit nila si Ang sa isa pang unit kung saan natagpuan daw ang mga kontrabando.

Ayon sa administrator ng hotel, matagal nang bakante ang unit na pinagdalhan ng mga pulis kay Ang. Hindi rin daw iyon kailanman nirentahan ni Ang o ng kanyang pamilya.

Ayon pa sa katiwala ni Ang, isa nang “Person with Disability” si Ang matapos siyang ma-stroke at ma-coma pa noong taong 2000. Kailangan nga raw niya ng aalalay maski kapag kakain dahil baldado na ang bahagi ng kanyang katawan. 

Nawala rin umano ang malaking halaga sa tunay na unit ni Ang matapos ang higit tatlong oras na “raid” ng mga pulis.

Nitong Abril, pumanaw si Ang dahil sa acute coronary syndrome. Hinala ng katiwala, hindi kinaya ni Ang ang init sa loob ng kulungan.

Ayon sa abogado ng tatlo pang nakasuhan, naibasura na sa piskalya ang kanilang mga kaso. Pero hanggang ngayon, nakakulong pa rin sila sa headquarters ng Manila Police District (MPD) dahil sumasailalim sa automatic review ang desisyon sa Department of Justice.

Tiniyak naman ng MPD na iimbestigahan nila ang reklamo laban sa kanilang mga tauhan lalo’t bahagi raw ito ng kanilang paglilinis ng kanilang hanay sa mga tiwaling mga pulis.

Sa panayam ng DZMM Miyerkoles, umapela si Engr. Wilgelmo Galura kay Duterte at Dela Rosa para mabigyan ng proteksyon.

Sinabi ng mga pulis na nahuli si Galura sa isang buy-bust operation nitong Abril 26. Taliwas ‘yan sa kuha ng CCTV na nagpapakitang wala siya sa lugar nang mangyari ang operasyon. 

Nakuha naman daw ng mga pulis at taga-PDEA sa bahay ni Galura ang malaking halaga ng pera at alahas. 

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.