Biktima ng 'tanim-droga,' humingi ng saklolo kay Duterte at 'Bato'

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 09:01 AM | Updated as of May 10 2017 09:21 AM

MANILA - Nangangamba para sa kanyang buhay ang isang city engineer ng Bacolor, Pampanga matapos ibunyag ang pagtatanim umano ng ebidensyang iligal na droga ng isang raiding team.

Sa panayam ng DZMM Miyerkules, umapela si Engr. Wilgelmo Galura kay Pangulong Rodrigo Duterte at Philippine National Police (PNP) chief Director General "Bato" dela Rosa para mabigyan ng proteksyon.

"Iyun pong seguridad ko ang ina-ano ko, baka po balikan ako. Baka mapatay po nila ako kaya ako po ay nanawagan din sa mahal na Pangulo at kay General Bato na bigyan nila ako ng proteksyon," pakiusap ni Galura.

"Siyempre po, mga scalawag po iyan. Hindi ko po alam kung anong nasa isip nila."

Ayon sa mga pulis, nahuli si Galura sa isang buy-bust operation sa Barangay Sta. Ines, Bacolor nitong Abril 26 -- taliwas sa kuha ng CCTV camera na nagpapakitang wala siya sa lugar nang mangyari ang operasyon.

Sa affidavit ng mga arresting officer, nakasaad na kabilang si Galura sa 5 indibidwal na naaresto sa isang karinderya nang magkasa ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Pampanga Drug Enforcement Unit at mga pulis.

Tumakbo anila si Galura mula sa karinderya papunta sa kaniyang bahay, kaya hinabol siya ng mga pulis doon pero kinalauna'y nakatakas din.

Inihagis pa umano ni Galura ang isang .45 kalibre na baril at isang pakete ng hinihinalang shabu habang tumatakas, dagdag ng affidavit.

Pero sa kuha ng CCTV, walang nakitang anumang habulan sa pagitan ni Galura at mga pulis.

Sa halip, pumasok ang mga operatiba sa bahay ni Galura saka tinutukan ng baril ang kanyang kasambahay at 88-anyos na biyenan, na kapwa nila ikinulong sa isang kuwarto.

Umalis ang mga opisyal makalipas ang 10 minuto at doon na tumambad ang mga nakabukas na cabinet sa sala, kusina at kuwarto.

Nadiskubre ring nawawala ang nasa P300,00 halaga ng mga alahas at cash.

Itinanggi ni Galura ang anumang ugnayan sa iligal na droga.

Aniya, "Paano po ako gagawa ng magsha-shabu-shabu pang ganyan? Istable na po ako sa buhay ko, wala na akong problema, lahat ng mga anak ko professional na po."

Kinuwestyon din niya kung bakit hindi naka-uniporme ang ilang opisyal na nagkasa ng raid, batay sa kuha ng CCTV.

"Kung makikita niyo po, naka-shorts lang. Magsasagawa sila ng ano [operasyon], dapat naka-uniporme para makita kung sino sila," sabi ni Galura.

Desidido si Galura na sampahan ng kaso ang mga law enforcer na dawit sa raid, oras na makakuha ang kanyang kampo ng karagdagang ebidensya.

Iginiit naman ng enhinyero na sa kabila ng kanyang sinapit, buo pa rin ang kanyang suporta para sa kampanya ni Duterte para sugpuin ang iligal na droga.

"Sa kampanya po ng ating mahal na Pangulo, sumasang-ayon po ako dahil kung malinis nya po ang droga na iyan, makakalakad ka na sa daan kahit mag-isa ka lang kahit gabi," ani Galura.

Una nang nangako ang provincial police office ng agaran at patas na imbestigasyon sa insidente kahit hindi pa nagsasampa ng pormal na reklamo si Galura.

Umapela naman ang isang anti-crime group na suspendihin muna ng pulisya ang kanilang anti-drug operations hangga't hindi nalilinis ang kanilang hanay.

"Kung pwede itigil nila ulit iyung war on drugs, magkaroon ulit ng total cleansing until talagang malinis nila ito para hindi ito maging cause ng national embarrassment saka para sa peace of mind natin," mungkahi ni Boy Evangelista, tagapagsalita ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.