3 lalaking wanted sa Samar, arestado

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 09:39 PM

CATBALOGAN CITY - Arestado sa isang operasyon ng mga awtoridad ang tatlong lalaki na matagal nang wanted sa Catbalogan City, Samar.

Ayon sa impormasyon mula sa Police Regional Office-8, sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Samar at Samar Police Provincial Office nahuli sina Jun Daven Jr., Bering Arnaiz at Tirso Arnaiz.

Pawang mga mangingisda at residente ng Barangay Cinco, Sierra Island sa Catbalogan City ang tatlong suspek.

Pinaghahanap ng mga awtoridad ang tatlo dahil sa kasong qualified piracy.


Ipinalabas ang warrant of arrest noong October 2016 ni Judge Agerico Avila ng Regional Trial Court (RTC) Branch 29.

Hindi pinapayagang makapagpiyansa ang tatlo sa kanilang kaso.

Nakuhanan rin ng kalibre .38 na baril si Tirso Arnaiz.

Kasalukuyang nakakulong na sa Catbalogan ang tatlong suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.