2 pulis, patay sa pamamaril sa Antipolo

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 04:42 AM | Updated as of May 11 2017 05:56 AM

Patay ang dalawang pulis matapos pagbabarilin ng mga salarin na nakamotorsiklo sa Antipolo, Rizal pasado alas-8 ng gabi Miyerkules.

Dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan, agad binawian ng buhay sa gilid ng Zigzag Road sa Barangay San Jose si PO2 Ernesto Turalba Jr., imbestigador ng Baras PCP.

Naisugod naman sa ospital si PO2 Roberto Reganit pero binawian din ng buhay.

Si Reganit ay miyembro ng Rizal PPO Drug Enforcement Unit.

Sa inisyal na imbestigasyon, papunta na sa trabaho ang dalawang pulis nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Posible umanong may kaugnayan sa trabaho ang motibo sa pamamaril.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.