2 biktima ng pamamaril, natagpuan sa Taguig City

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 04:45 AM | Updated as of May 11 2017 05:06 AM

Patay ang dalawang lalaki sa hiwalay na pamamaril sa Taguig City.

Unang natagpuan ang duguang katawan ni Jamirose Jama, 26 anyos, sa kanto ng Triñanes at A. Bonifacio Street sa Barangay Upper Bicutan, alas 10 ng gabi Miyerkules.

Ayon sa barangay tanod na si Noel Diaz, nagpapatrolya ang kanilang samahan nang may tumawag sa kanilang atensyon kaugnay sa krimen.

Nang lapitan, nadiskubre na may isang tama ng bala sa ulo si Jama. 

Hindi pa tiyak ang motibo sa krimen pero napag-alaman na "akyat-bahay" umano si Jama.

Nauna rito, nabiktima ng summary execution ang bunsong kapatid ni Jama noong Pebrero, habang namatay din sa hiwalay na pamamaril ang isa pa niyang kapatid ilang taon ang nakalilipas.

Samantala, alas-12 ng hatinggabi natagpuan ang duguang katawan ng isang lalaki sa A. Reyes Street sa New Lower Bicutan.

Walang nakakakilalang sa biktima sa lugar.

Ayon sa barangay tanod na si Jojo Reyes, pitong magkakasunod na putok ng baril ang narinig sa area.

Wala ring nakakita sa salarin.

Patuloy na iniimbestigahan ang parehong insidente ng pagpatay. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.