1 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa resto-bar sa Maguindanao

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 12:33 PM

MAGUINDANAO – Patay ang isang 27-anyos na lalaki habang sugatan naman ang babaeng kasama nito nang barilin sila sa loob ng isang resto-bar Martes ng hapon sa Parang, Maguindanao.

Dead on the spot si Kalil Sarosong matapos na magtamo ng tama ng bala sa ulo.

Nasa loob umano ng establisyemento ang mga biktima sa Market Site, Barangay Sarmiento nang lapitan at pagbabarilin ng salarin.

Limang basyo ng .45 kalibre ng baril ang natagpuan mula sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Kasalukuyang nagsasagawa na ng malalim na imbestigasyon ang Parang Municipal Police Station upang malaman ang motibo at kilalanin ang suspek sa pamamaril.

Nito lamang Sabado, isang kasapi ng Regional Public Information Office ng Philippine National Police, Autonomous Region in Muslim Mindanao na kinilalang si PO2 Faustino Verdardero ang nasawi nang barilin ng di pa nakikilalang suspek sa nasabi din barangay. 

Hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ng pulisya ang salarin sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.