ROME - Nakitang nakakalat sa harapan ng isang residential building sa Roma ang walong mailing packets para sa Overseas Voting.
Isa rito ay bukas na at walang laman sa loob. Nakausap ng ABS-CBN News team si alyas “Ellen.”
Kuwento niya mahigit isang linggo nang nakakalat ang mga brown envelope at sinabihan siya ng may-ari ng building na kung hindi niya kilala ang mga ‘yun ay itatapon na lang.
Dahil nanghihinayang sa mga balotang masasayang, nag-post si “Ellen” sa social media ng mga natagpuang sealed mailing packets at nagbakasakaling may nakakakilala sa mga pangalang nasa envelope para makuha na ito.
“Sana maayos na nila ang mga problemang ito dahil kung paulit-ulit, paulit-ulit din na ganito ang mga botante na maghahanap kung saan saan, matatapon lang at sayang ang pondo ng gobyerno,” sabi ni “Ellen.”
Noong 2019 election naibalita rin na may 11 mailing packets ang natagpuang nakatambak sa mismong gusali na tinitirhan ni “Ellen.”
Ipinaalam na ito ng news team sa pamamagitan ng email sa Philippine Embassy sa Rome na nagsabing ipapaabot nila ang insidente sa COMELEC.
FLORENCE
Sa Florence, natapos ang dalawang araw na consular services outreach ng Philippine Embassy sa Rome noong weekend. Ayon sa embahada, ibinalik nila ang kanilang mga outreach services matapos ang State of Emergency sa Italy na ideneklara dahil sa pandemya.
“Maayos namang naipaliwanag ng mga tao, ayos naman, wala naman naging problema,” sabi ni Pablo Alvarez, President, Confederation of Filipino Community in Tuscany.
Nagkaroon naman ng pagkakataon ang community leaders sa Florence na makipag-dayalogo kay Consul General Donna Celeste Feliciano-Gatmaytan kaugnay sa kanilang katanungan sa overseas voting.
Tulad ng mga hindi pa nakakatanggap ng kanilang voting packets. Isa si Ma. Teresa sa mga hindi pa nakakatanggap ng kanyang balota. Umaasa siyang matatanggap ito bago mag-deadline ng overseas voting sa May 9.
“Ako naman ay naniniwalang dadating ‘yon dahil nagpromise sila, yung sa COMELEC, dyan sa Embassy, dyan sa loob, na darating ‘wag kayong mangamba at darating,” sabi ni Ma. Teresa Severino, botante sa Florence.
Noong May 2, naglabas ng abiso ang embahada mula sa COMELEC kung saan maaring mag-issue ng bagong balota para sa mga botanteng hindi pa nakakatanggap ng kanilang voting packets.
In-person voting ang gagawing botohan sa loob ng embahada hanggang May 9. Pero abiso ng embahada, dalhin ang kanilang balota kung natanggap nila ito ilang araw bago ang May 9.
Nitong May 7 at 8 nagtungo sa Malta ang Consular service outreach at mobile voting ng Philippine Embassy sa Roma.
Para sa mga nagbababagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Italy, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
KAUGNAY NA VIDEO: