TFC News

Overseas voting sa Gitnang Silangan tuloy-tuloy kahit Eid Holiday

Rowen Soldevilla | TFC News Oman

Posted at May 09 2022 06:50 AM | Updated as of May 11 2022 11:02 AM

Hindi huminto ang overseas voting kahit noong Eid holiday sa mga Philippine Embassies at Consulates. Ang Eid holiday na bahagi ng official holiday sa Gitnang Silangan ay tumatagal ng limang araw mula May 1 hanggang May 5.

SAUDI ARABIA

Sa Riyadh, naging puspusan ang kampanya ng embahada sa mga registered voters na bumoto na.

“Hinihikayat namin ang lahat ng registered overseas voters na bumoto ngayong eleksyon,” pakiusap ni Ambassador Adnan Alonto, Philippine Embassy Riyadh. 

OV sa Riyadh

Bukas ang embahada noong Eid holiday para masigurong mas marami ang makakaboto. Aabot sa higit 280,000 ang registered voters sa Saudi Arabia na isa sa mga bansang may pinakamaraming botante.

“Maayos naman po, nalagpasan na natin ang 2016 turnouts. Patuloy po nating hinikayat ang ating mga registered voters na bomoto na po kayo,” sabi ni Consul Von Ryan Ferrera. 

Mga Pinoy bomoto noong Eid Holiday

Ayon sa embahada naging maayos ang botohan dahil sa mga ipinatupad na pagpapabuti sa proseso at pagkakaroon ng site voting.

Umarangkada ang embassy-on-wheels noong mga nakaraang weekend, habang tuloy-tuloy ang botohan sa Philippine International School. Al Buraidah International Philippine School sa Al-Khobar at sa embahada.

May ilang paalala naman ang embahada sa OFWs na boboto. 

alonto

“Siguraduhin muna na kasama ka sa CLOV. Walang magagawa ang Embahada kung wala ka (sa listahan),” abiso ni Alonto.

Makakatulong din na ihanda na ang listahan ng kanilang mga ibobotong kandidato para mabilis ang kanilang pagboto at hindi sila magkamali. Bawal namang kumuha ng litrato at video sa voting venue.

KUWAIT

Tulad ng ibang Philippine posts, tuloy-tuloy din ang overseas voting kahit Eid holiday sa Kuwait. Bukas ang embassy mula alas otso ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon.

"Sa May 9 ang last day, hanggang alas dos lang ang botohan dahil susundin ng overseas voting venues ang oras ng pagsasara ng eleksyon sa Pilipinas,” pahayag ni Vice Consul Atty. Josel Mostajo, Philippine Embassy, Kuwait.

OMAN

Maayos naman ang botohan sa Oman, kabilang sa mga first time voter sina Lyka at Asilo sa Muscat. 

“Ang dinarasal lang naman ng lahat ng Plipino ay walang corruption, yun lang,” sabi ni Lyka Tulabot, first-time voter.

“Sana po lahat ng tumatakbo kahit hindi binoto namin ay sincere sa pag-unlad ng Pilipinas,” sabi ni Asilo Escrupolo, first-time voter.

Dumoble naman ang bilang ng mga rehistradong botante sa Oman ngayong halalan kumpara noong 2016 elections.

“For the 2022 elections ang nagparegister sa atin ay 22,680 registered voters. For 2016 national elections  meron tayong 11,434 registered," paliwanag ni Ambassador Imelda Panolong, Philippine Embassy Muscat.

Panawagan naman ni Ambassador Panolong sa mga taga-Oman na bomoto na agad at huwag nang hintayin ang huling araw ng botohan. 

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Gitnang Silangan, Europa at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC