MAYNILA - Maging mga senior citizen at persons with disability (PWD) ay naapektuhan ng aberya sa polling centers, partikular na sa mga nasirang vote-counting machines (VCM).
Si Michael Villegas na isang PWD, sumakay sa isang skateboard at itinutulak ang sarili gamit ang kamay pa-Bagong Silang Elementary School. Kalauna'y nakitang sa katabing paaralan siya nakarehistro kaya mahabang pagtutulak muli ang ininda niya para makaboto.
"Ito ang pagkakataon natin para gawin natin 'yung karapatan bilang Pilipino. Sana e bigyan naman ng pansin 'yung mga PWD," ani Villegas.
Ang senior citizen namang si Salvador, akay-akay ng apo at hirap maglakad pero pinilit pa ring makaboto.
"Nahirapan din pero gusto kong makaboto e. malaking ginhawa namin dahil buti may ganitong pila," aniya.
Naubos naman ang pasensiya ng ilang senior matapos tumagal sa paghahanap ng kanilang mga presinto.
Si Rosanna Pura, nakita ang pangalan. Iyon nga lang nasa ika-4 palapag pa ng paaralan ang presinto niya.
"Tuwing eleksiyon bumoboto ako, wala 'yung pangalan ko doon, senior ako, 4th floor pa, high blood na nga ako e," ani Pura.
Nainip din si Romualdo Doroteo dahil hindi makita ang presinto.
"Hahanapin ko, ipaglalaban ko karapatan ko, ayusin niyo naman!" ani Doroteo.
Nahilo naman ang ilang matatanda dahil sa haba ng pila sa emergency assistance polling place na inilaan sa kanila sa Manuel L. Quezon Elementary School.
Dahil dito, umakyat na lang ang ilan sa mga senior citizen patungo sa kanilang mga presinto.
Ganito rin ang naging sitwasyon sa ibang senior sa President Corazon Aquino Elementary School dahil ayaw ng ilang PWD at senior na ipagkatiwala sa iba ang feeding ng balota.
"Hinihingal ako, kasi umakyat ako….Gusto ko ako mismo magpasok, basta," anang botante na si Rosalia Ibanes.
May ilan naman na pinalad nang makaboto na, at nagsilbing inspirasyon din para sa marami ang 102 anyos na si Monico Ordinario Sr.
Sa edad niya, hindi niya mabilang kung ilang beses na siya nakaboto. Pero masaya siyang nakasama muli sa mga pipili ng bagong pinuno.
Umaasa ang mga senior citizen at PWD na mas magiging madali pa para sa kanila ang pagboto sa mga susunod na halalan sa bansa.
-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN news
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.