MAYNILA — Eksaktong isang taon bago ang 2022 elections, nagpaalala ngayong Linggo ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na magpa-rehistro na, lalo't 4 na buwan na lang bago ang deadline para rito.
Target ng komisyon na magkaroon ng 7 milyong bagong rehistradong botante pero nasa 2.8 milyon pa lang ang bilang ng mga nagpaparehistro mula Abril 30. Sa Setyembre 30 nakatakda ang deadline para sa voter registration.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi palalawigin ang voter registration period kahit suspendido ito sa mga lugar na nasa ilalim ng mahigpit na community quarantine status.
"Unfortunately, mukhang hindi na siya puwedeng i-extend because the day after the close of registration [is] filing of COC (certificates of candidacy), which means we have to start preparing for election day documents na," ani Jimenez.
Gumagawa naman umano ng mga hakbang ang Comelec para palawakin ang pagkakataon ng publiko para magparehistro habang sinusunod ang health protocols laban sa COVID-19.
Sa Baguio City, ia-assist muna ng barangay ang magpaparehistro sa pagsagot ng form at pagbu-book ng appointment sa Comelec para sa pagkuha ng biometrics.
"If you remove the filling out portion, magiging dalawa-tatlong minuto na lang the whole process kasi kukunin na lang po namin ang kanilang biometrics," sabi ni John Paul Martin, election officer sa Baguio.
Ipinatutupad naman sa Tanza, Cavite ang “no face shield/face mask, no transaction” policy, bukod sa iba pang patakaran, para maiwasan ang pagkalat ng virus.
"We encourage na pumunta sila kasi huwag silang mag-alala kasi ’yong mga standard health protocols naman natin ay nao-observe naman natin," sabi ni Joan Romela Abellar-Erni, election officer sa Tanza.
Ine-engganyo ng Comelec ang magpapa-rehistro na sagutan na ang application form na maida-download sa iRehistro website bago pa pumunta sa tanggapan ng Comelec.
Nagpapakalat din ang Comelec ng printed application form sa mga barangay at ikinokonsidera din nila ang ipamahagi sa mga community pantry.
"Kami mismo, when we had a walk around in a few barangays in Quezon City, kami mismo, namimigay kami ng voter registration forms," ani Jimenez.
Nakikiusap ang Comelec sa publiko na magparehistro habang maaga at iwasan ang hassle habang nalalapit ang deadline.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Commission on Elections, 2022 elections, halalan 2022, voter registration, James Jimenez, Covid-19 elections, Covid-19 pandemic, TV Patrol, Michael Delizo, TV Patrol Top