PatrolPH

Pulis, 4 na iba pa patay sa magkakahiwalay na operasyon sa Luzon

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 09 2021 07:42 AM

Limang lalaki ang napatay sa magkakahiwalay na police operation sa iba't ibang probinsiya sa Luzon. 

Ayon kay PBGen. Jonnel Estomo, regional director ng Bicol police, nakatanggap sila ng impormasyon kung nasaan ang Top 2 most wanted suspect ng Camarines Sur na si Alexis Delos Santos at isa pang suspek na si Ricardo Francisco.

Parehong tinawag na "armed and dangerous" ang dalawa dahil sa pagkasangkot umano sa kasong rape at murder. 

Pinuntahan ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga suspek sa Brgy. Buyo sa bayan ng Tinambac nitong Sabado. Pero papalapit pa lang sila, pinaputukan na umano sila ng mga suspek na nauwi sa engkwentro.

Napatay si Delos Santos, pero nakatakas si Francisco na ngayo'y pinaghahanap na. 

Sa Daraga, Albay naman, napatay ang isang aktibong pulis na sangkot umano sa iligal na pagbebenta ng mga baril.

Nagkasa ng entrapment operation laban kay PCpl. Joel Tualla ng Polangui Municipal Police Station. Pero nang maramdaman ng suspek na may mga kapwa pulis na sa paligid, nagpaputok na umano siya ng baril.

Napatay si Tualla at nasugatan ang isa pang pulis.

Nakuha sa suspek ang iba't ibang baril at bala, kabilang na ang kaniyang service firearm. 

At sa Cabanatuan, Nueva Ecija, tatlong drug suspek ang nasawi sa engkuwentro sa pulis nitong Biyernes.

Ayon kay PBGen. Valeriano De Leon, Regional Director ng Central Luzon Police, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis. Pero matapos ang bentahan ng droga, nagkaroon umano ng engkuwentro.

Na-recover sa tatlong suspek ang iba't ibang baril, granada at may mga hinihinalang droga pa na nagkakahalaga ng higit P100,000.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.