Ilang community pantry may pakulo para sa Mother's Day

Jekki Pascual at Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at May 09 2021 11:23 AM | Updated as of May 09 2021 07:28 PM

Mga pagkaing inihahanda sa Mother's Day community pantyr sa Barangay Matandang Balara, Quezon City, Mayo 9, 2021. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — May espesyal na handog ang ilang community pantry para sa mga ilaw ng tahanan ngayong Linggo, kung kailan ipinagdiriwang ang Mother's Day.

Bukod sa pagkain, namigay rin ng roses sa mga ina ang mga volunteer sa community pantry sa Barangay Matandang Balara, Quezon City.

Ayon sa barangay chairperson na si Allan Franza, ang pantry ay "pagkilala natin sa kadakilaan ng mga nanay na nag-aaruga ng kani-kanilang mga anak at nag-aasikaso sa kani-kanilang mga bahay."

"Kahit papaano, makatulong po kami sa ating mga nanay na makatawid kahit papaano sa kanilang makakain," aniya.

Watch more in iWantTFC

Isa sa mga sabik na nakatanggap ng rosas si Myrna Paranas, na todo-kayod para sa pamilya matapos ma-stroke ang kaniyang asawa.

"As a mother, ako na lang naghahanapbuhay kasi ang asawa ko PWD (person with disability) na. Itong ganitong bagay, nagtiyaga ako pumila, 'di naman matagal," ani Paranas, na may 5 anak.

"Ang importante ito (bulaklak), akala ko ma-zero ako ngayon," aniya.

Nasa 700 nanay ang nabigyan ng pagkain sa pantry at pa-bonus na bulaklak.

Pinilahan din ng mga nanay ang community pantry sa Barangay Fairview.

Eksklusibo rin lang ang pantry para sa mga ina ngayong Linggo.

"Sila nagbabantay sa [mga] anak natin, kaya sila ang ilaw ng tahanan. 'Yon po ang regalo ng punong barangay at buong council," anang barangay kagawad na si Jerry Buo.

Nasa 2,000 nanay ang nabiyayaan sa naturang pantry.

Sa bayan ng Guagua, Pampanga, handog ng isang community pantry ang libreng cake, muffin, chocolates at iba pang matatamis na pagkain para sa mga ina.

— May ulat ni Gracie Rutao

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.