Ilang taga-Datu Paglas umuwi na kasunod ng engkuwentro ng militar, BIFF

ABS-CBN News

Posted at May 09 2021 04:58 PM | Updated as of May 09 2021 07:35 PM

Watch more in iWantTFC

Nakabalik na sa kanilang mga bahay ang maraming residente ng Datu Paglas, Maguindanao matapos lumikas noong Sabado dahil sa engkuwentro ng militar at mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Pero ayon kay Olhamier Saguia, isa sa mga umuwing residente, may ilang hindi pa rin umuuwi dahil sa takot.

"Doon sila pumunta sa kamag-anak nila. Para okay 'yong pagtulog nila. Tapos 'yong iba nasa eskwelahan pumunta. 'Yong mga walang mapuntahan, nasa malapit lang," kuwento ni Saguia.

"Takot pa rin kasi nga siyempre 'yong kahapon, malay mo bumalik at mangyari ulit 'yon," dagdag niya.

Ayon sa 6th Infantry Division ng Philippine Army, nasa 20 miyembro ng BIFF ang nakabakbakan ng mga sundalo noong Sabado sa bayan.

Wala rin umanong nasawi na sundalo sa engkuwentro.

May ilang bahay sa bayan na nasira matapos tamaan ng bala at bomba, ani Vice Mayor Mohammad Paglas.

Ayon kay Paglas, may plano namang bigyan ng ayuda ang mga nasiraan ng bahay o palitan ang mga nasirang bahagi.

Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, ang video na kumakalat sa social media ay video ng engkuwentro noong Mayo 6 sa Datu Unsay, Maguindanao, kung saan nakalaban nila ang BIFF.

Isang sundalo aniya ang namatay sa naturang engkuwentro.

"Actually kinasuhan na ng Army 'yong sundalo na nagpakalat ng video. Unfair din kasi sa family ng natamaan na tropa," ani Baldomar.

Tiniyak naman ng militar na kontrolado na nila ang situwasyon at mahina umano ang puwersa ng BIFF. Patuloy rin ang pagtugis sa grupo.

— Ulat ni Chrislen Bulosan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.