PatrolPH

Harana, grocery items, Mother's Day gift ng mga pulis Pampanga sa mga inang sapul ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at May 09 2020 04:38 PM

Maagang Mother’s Day treat ang handog ng Pampanga Provincial Police sa mga ina na sapul sa krisis ng coronavirus sa Pampanga.

Ngayong Sabado, naglibot ang Pampanga Police para mangharana at mamigay ng grocery items at bulaklak sa mga nanay sa mahihirap na pamilya ngayong may enhanced community quarantine sa probinsiya.

Watch more on iWantTFC
Naglibot ang Pampanga Police para mangharana at mamigay ng grocery items at bulaklak sa mga nanay sa mahihirap na pamilya ngayong may enhanced community quarantine sa probinsiya. Gracie Rutao, ABS-CBN News

Sa pinagsamang savings ng kapulisan nakuha ang pondo para bilhin ang pa-handog nila sa mga benepisyaryo, ayon kay Pampanga Police Provincial Director Police Col. Jean Fajardo.

"Pinili po ito sa tulong ng mga barangay officials, ito po 'yung ilan sa kanila ay hindi nakatanggap ng ayuda na special amelioration fund galing po sa national government so mas minarapat namin na sa kanila ibigay 'yung naipon naming relief goods na pinagsama-samang savings po ng kapulisan ng Pampanga Provincial Police Office,” ani Fajardo.

Sinisiguro naman ng mga pulis na may physical distancing habang nagbibigay ng alay sa mga nanay.

Isa sa mga hinatiran ng tulong ang residenteng si Fely Luciano, 73, na taga-Northville resettlement. Biyuda na siya at nag-iisa sa buhay.

Malaking bagay aniya para sa kaniya ang makakuha ng mga regalo na ganito lalo na’t hindi siya nakakalabas at hindi niya nakakasama ang kaniyang mga anak na nakatira sa Laguna.

“Siyempre po nawawala 'yung mga anak mo, wala kang paniniwala, pano ko hanapin, hindi kami makalabas-labas,” ani Luciano.

“Kahit paano na masaya ako kasi nagbigay sa akin na para ko rin silang mga anak na kasi binigyan ako ng regalo na bulaklak kaya pasalamat akong malaking pasalamat,” ani Luciano.

Para kina Fajardo, malaking bagay ang magpasaya ng mga kinasasakupan ngayong nauulila rin sila sa kanilang mga magulang sapagkat frontliners sila ngayong may lockdown.

Kasalukuyang naka-enhanced community quarantine ang Pampanga, at magtatagal ito hanggang Mayo 15.

— Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.