PatrolPH

Halos 4,000 cruise ship workers, sumailalim sa COVID-19 test

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at May 09 2020 10:02 AM | Updated as of May 09 2020 03:09 PM

MAYNILA (UPDATE) - Nadagdagan pa ng halos 2,000 ang seafarers na sumailalim sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test matapos dumaong sa bansa ang sinasakyan nilang mga cruise ship, ayon sa Philippine Coast Guard. 

Sa kabuuan, ayon sa PCG, nasa halos 4,000 na mga cruise ship workers sa Manila Bay ang na-test simula Mayo 2. Ang ilan sa mga barko ay patapos na ang 14-day quarantine. 

Ayon sa PCG, mayroon pang 19 na malalaking cruise ship ang nasa Manila Bay anchorage area at tinatayang may 8,000 Filipino crew ang naghihintay na ma-test din.

"There's queuing right now and they are waiting for their turn to be boarded to undergo swab testing," pahayag ni PCG spokesman Armand Balilo.

Umabot na rin nitong Biyernes sa halos 1,800 na Filipino cruise ship workers ang na-test ng medical workers ng PCG. Umakyat sila sa MV Sapphire Princess, MV Costa Serena, MV Majestic Princess at ang MV Explorer Dream, na may pinakamaraming Pinoy crew na aabot sa halos 1,000.

Ginawang testing center ang teatro o mga theater sa loob ng cruise ship at mga dining hall. 

"If they are tested negative, they will be allowed to disembark. If there will be crew members that will be tested positive, they will be attended to by the Bureau of Quarantine and will be brought to isolation facilities," dagdag ni Balilo.

Sa ngayon, naghihintay pa ng resulta ng swab test ang libo-libong seafarers sa loob ng kanilang barko at umaasa na mag-negative para makauwi na sa pamilya.

Inaasahan din ang pagdating ng tinatayang 30,000 iba pang Filipino cruise ship workers sa bansa sa mga susunod na linggo.

Ilang cruise ship na naglalayag sa iba't ibang parte ng mundo ang tinamaan ng coronavirus disease 2019. Karamihan ay may lulan na mga Filipino crew members. 

Samantala, kahalati sa tinatayang 19,000 land-based OFW na nasa ilalim ng kustodiya ng PCG ang na-swab na para sa COVID-19 testing. 

Ani Balilo, lahat ng pasilidad sa Port of Manila ay nananatiling COVID-19 free. Wala rin aniyang coast guard personnel ang nahawahan rin ng virus.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.