PatrolPH

40 OFWs, nakauwi sa Iloilo matapos ma-stranded ng 2 buwan sa Maynila

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at May 09 2020 08:06 PM

40 OFWs, nakauwi sa Iloilo matapos ma-stranded ng 2 buwan sa Maynila 1
Aabot sa 40 OFWs ang nakauwi sa Iloilo nitong Sabado matapos dalawang buwan silang ma-stranded sa Maynila dulot ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic. Kuha ng Coast Guard Region 6

ILOILO CITY - Aabot sa 40 na OFW ang nakauwi sa Iloilo nitong Sabado ng umaga matapos silang ma-stranded ng dalawang buwan sa Maynila dulot ng COVID-19 pandemic.

Pagbaba nila sa Port of Iloilo, dinala sila sa isang isolation facility sa lungsod na ito at isinailalim sa COVID-19 testing para malaman kung may positibo sa kanila sa naturang sakit.

Marso 17 nang dumating sa Manila ang isa sa mga OFW na si Jayson De Ocampo matapos ang 9 na buwan na pagtatrabaho sa barko. Nagkataon sana ang kanyang pag-uwi sa Iloilo sa kaarawan ng kanyang kabiyak.

Pero imbes na nakauwi siya kaagad, na-stranded sa Manila si Ocampo ng dalawang buwan dahil sa lockdown sa siyudad dulot ng COVID-19 pandemic. Nagsimula ang lockdown noong March 15.

“Mas OK kung dito sa Iloilo kasi kasama mo pamilya mo at hindi magastos. Sa Manila, magastos. Pera ang nagpapagalaw sa 'yo doon sa Manila," ani Ocampo.

Hindi man nila agad na makasama ang kanilang pamilya, ang importante para sa mga OFW ay nakagawa sila ng paraan at ang gobyerno para makauwi sila sa kanilang mga pamilya.

Una nang sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na kung magnegatibo ang mga OFW sa COVID tests sa siyudad ay papayagan na silang umuwi sa kani-kanilang pamilya.

Ayon kay Atty. Roy Villa, spokesperson ng regional task force for COVID-19 sa Iloilo, lahat ng umuwing OFWs ay nag-negatibo sa COVID tests sa Maynila.

Pero para masigurong negatibo sila talaga sa nakakabahalang saki, muli silang isinailalim sa COVID-19 test.

Ito na ang ikatlong batch ng OFWs na bumalik sa Iloilo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.