PatrolPH

Sako-sakong 'sangkap sa pampasabog' nakuha sa 2 lalaki sa pantalan

ABS-CBN News

Posted at May 09 2019 01:25 PM

Timbog sa Matnog, Sorsogon ang dalawang lalaki nang tangkaing ibiyahe sa karagatan ang umano'y sako-sakong mga sangkap sa paggawa ng pampasabog nitong Huwebes. 

Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Matnog Municipal Police Station, Philippine National Police (PNP) Maritime Group, at Philippine Coast Guard ang dalawang suspek sa Matnog Port.

Sampung sako ng ammonium nitrate ang nakuha sa mga suspek. 

Bagama't ginagamit ding pataba sa lupa ang naturang kemikal, wala namang naipakitang permit mula sa PNP Firearms and Explosives Division o Fertilizer and Pesticide Authority ang dalawa.

Pinag-aaralan pa kung sasampahan ng kasong illegal possession of explosives ang dalawang lalaki. 


—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.