Mga guro patuloy ang paghahanda para sa halalan

ABS-CBN News

Posted at May 09 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-inspeksiyon nitong Huwebes ang master teacher na si Liza Licup bago tuluyang kinandado ang kuwartong pansamantalang paglalagyan ng mga vote counting machine at election paraphernalia sa Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila. 

Para sa nasabing paaralan, matapos ang paglilinis ng mga silid-aralan ngayong weekend, handa na sila sa pagdagsa ng mga botante sa Lunes para sa 2019 midterm elections.

"'Pag talagang eleksiyon, talagang medyo may certain ounce of happiness na rin kami kasi siyempre, extra challenge... extra income na rin," ani Licup.

Base sa Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 10297, P6,000 ang honorarium na matatanggap ng mga magsisilbing chairperson ng electoral board.

Nasa P5,000 naman para sa miyembro, P4,000 para sa Department of Education Supervisor Official o DESO, at P2,000 para sa support staff.

Mayroon ding dagdag na P1,000 transportation allowance.

Hindi rin papatawan ng buwis ang mga honorarium basta ang taunang suweldo ay hindi lalagpas sa P250,000.

Ayon sa Department of Education, walang perang ilalabas ang kagawaran para sa honorarium ng mga guro.

Bagaman may mga paaralan gaya ng Rosauro Almario Elementary School na handa na para sa halalan, mahirap pa ring sabihin na 100 porsiyentong handa na ang lahat.

"Friday, Saturday, Sunday, there are ongoing activities still like preparation of the precincts," ani Education Undersecretary Anne Sevilla.

"In terms of training, it is still ongoing in Mindanao," dagdag ni Sevilla.

Nasa 531,307 tauhan ng DepEd ang magsisilbi sa 36,830 polling centers sa buong bansa.

Bagaman malaki ang responsibilidad, handa na ang mga gaya ni Licup para sa halalan.

"We're just doing our job, parang kahit magkano ang tanggapin," ani Licup.

Hangad ni Licup na maging responsable ang publiko hindi lang sa pagboto kundi pati sa pagpapanatili ng kaayusan ng halalan.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.