Mga pasaway sa gun ban sa Davao, umabot na sa 35

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 08:31 AM

Iniinspeksyon ng mga pulis ang isang sasakyan sa gitna ng election gun ban. ABS-CBN News

DAVAO CITY - Pumalo na sa 35 ang naaresto sa lungsod na ito dahil sa paglabag sa election gun ban na nagsimula noong Abril 14, sinabi ng mga awtoridad ngayong Miyerkoles. 

Nahuli ang karamihan sa mga random check point, operation kapkap at anti-drug operations, base sa talaan ng kapulisan. 

Kabilang naman sa mga nakumpiska ang 28 short firearms, 3 sumpak, 11 patalim, 4 na granada, 9 na pampasabog at 148 bala. 

Kinasuhan na lahat ng nahuling lumabag sa gun ban, sabi ni Chief Inspector Milgrace Driz, tagapasalita ng Davao region police. 

Dalawa naman aniya ang napatay matapos nanlaban sa isinagawang drug operation noong Abril 28. Nakuhanan sila ng 2 baril. 

Babantayan ng mga awtoridad ang mga kandidato na sinasabing may mga armas at private armies, dagdag ni Driz. 

Naka-iskedyul ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14. Magtatagal naman ang election period at election gun ban hanggang Mayo 21. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.