1 sundalo patay, 3 sugatan sa engkuwentro ng BIFF, militar sa Maguindanao

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 11:14 PM

Patay ang isang sundalo habang sugatan ang 3 iba pa sa engkuwentro ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Barangay Pagatin, Datu Salibo, Maguindanao nitong Lunes.

Nasawi sa insidente ang si Private Richie John Nautan. Sugatan naman ang mga kasama nito na sina Staff Sgt. Ronald Tabunan, Sgt. Dennis Castillo at Pfc. Robert Noble.

Alas-8 ng gabi noong Lunes umatake ang BIFF, na tumagal ng halos isang oras.

“Ang mahirap nito itinaon ng mga kalaban sa brownout tapos malakas pa ang ulan kaya ang ginawa ng kalaban parang design to deceive, parang murder ba. Cut to cut gumamit ang kalaban ngga grenade launchers," ani Lt. Col. Albin Iyog, commander ng 2nd Mechanized Battalion.

Isang kilometro mula sa engkuwentro, isang purok pahingaan naman ang nawasak.

Ayon sa may-ari na si Sugad Ganoy, bala ng mortar ang tumama rito.

Sira ang nakaparadang motorsiklo na ginagamit nilang pangkabuhayan, habang sa loob ng kanilang bahay, nagkalat ang mga gamit. Nagkabutas butas ang pader at nabasag ang TV.

Mayroon pang malaking piraso ng bakal na pinaniniwalaang bahagi ng pampasabog.

Sa katapat na bahay na ito naman, may mga tama ng splinter sa labas ng tindahan, mga appliances, at sa mga pader.

Aminado ang militar na mayroon na silang report hinggil sa mga tinamaang bahay sa lugar, pero itinanggai ng militar na mula sa kanilang panig ang mga balang tumama sa ilang bahay.

"Hindi namin inaako yun kasi ayon sa aming napag-alaman kung maalala natin mga ilang araw bago ang harassment may narecover na IED malapit sa lugar na yan. Ayon sa aming intel report, iyung isa sa mga tinatransport nila na IED, sumabog diyan. Bomba ng kalaban yun," ani Iyog.

Walang nasaktan sa pagsabog at iniimbestigahan na ngayon ng pulisya kung saan nanggaling ang sinasabing bala ng mortar na nakatama sa bahay ng mga sibilyan.

Humihingi naman ng tulong sa pamahalaan ang mga residente para sa pagpapaayos ng mga napinsalang kagamitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.