1 patay, 1 huli sa Cavite buy-bust

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 02:32 AM

CAVITE - Patay ang isang lalaki habang arestado naman kaniyang kinakasama sa ikinasang buy-bust operation sa Kawit, Cavite Martes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Jervie Garcia, alyas Pungkol, na target ng operasyon.

Alas-10 ng gabi nang isinagawa ang operasyon ng Kawit police laban sa 2 sa Barangay Samala-Marquez.

Bumili ang poseur buyer ng P500 halaga ng shabu sa kinakasama ni Garcia.

Pero nakatunog si Garcia na pulis ang katransaksiyon nito kaya nagpaputok umano ito.

Nauwi ito sa putukan kung saan nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan si Garcia.

Narekober naman ng mga pulis ang shotgun na ginamit ng suspek.

Sa loob ng bahay ng suspek, nagkalat pa sa sahig ang mga nire-repack na ilegal na droga na tinatayang nasa P5,000.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, dating street sweeper si Garcia, pero tinanggal sa trabaho nang malaman na sangkot umano ito sa pagtutulak.

Mahaharap naman ang kinakasama ng suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.