Tirahan ng mga janitor sa Senado, binigyang-pansin ng mga mambabatas

Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 08:05 PM

Hinimok ni Senator Sonny Angara ang kaniyang mga kasamahan sa Senado na bigyang-pansin ang aniya'y paghihirap ng ilang mga nagsisilbi sa kanilang tanggapan bilang mga janitor.

Ayon kay Angara, nasa 40 na janitors ng Senado ang napipilitang matulog sa madamong bahagi sa paligid ng kanilang ahensya dahil walang nakatalagang maaari nilang tuluyan.

Kahit pa man sa loob ng Senado ang trabaho nitong mga janitor, hindi sila pinahintulutang matulog o magpalipas ng gabi sa loob ng gusali matapos ang ilang mga insidente umano ng pagnanakaw.

Gayunpaman, pinipili nilang manatili sa Senado dahil nakatira sila sa malalayong probinsiya—gaya ng Antipolo, Rizal; Sta. Cruz, Laguna; San Jose del Monte, Bulacan; at San Isidro, Nuva Ecija—at nakakatanggap llamang ng buwanang sweldong nasa P9,000 hanggang P10,000.

Kuwento ni Angara, pinuno ng Ways and Means at Local Government committees, ang mga manggagawang ito ay kadalasang makikita sa gabi, natutulog sa folding beds, karton, o tents sa halip na tahakin ang mahaba, mahirap, at mahal na biyahe pauwi.

“Clearly, the minimum wage is no longer a living wage. What life would they be leading if they don’t even see their families in their desire to save whatever they can from the P9,000 to P10,000 they earn on average each month?” aniya.

(Malinaw na hindi na sapat para mabuhay ang minimum wage. Anong buhay ang kanilang dinaranas kung hindi nila nakikita ang kanilang mga pamilya para lamang maipon ang anumang kaya nila sa P9,000 hanggang P10,000 na kinikita nila kada buwan?)

Dagdag pa niya, isa pang dahilan kaya rito na lamang natutulog ang mga manggagawa ay upang hindi sila mahuli sa pag-pasok dakong 7:00 ng umaga. Kadalasan naman, tumitigil lamang sila sa pagtatrabaho bandang 9:00 ng gabi, lalo na kung may sesyon ang Senado.

Ang isyung ito ay kasabay na umusbong habang pinag-uusapan sa Senado at sa Mababang Kapulungan ang pagbibigay ng dagdag na bonus at incentive sa ilang mga empleyado sa ibang mga industriya.

Isa sa mga naikwento ni Angara ay si Wilfredo Maliban, nagtatrabaho sa Senado sa loob ng 14 taon, na humingi ng tulong sa kaniya upang makabili ng sleeping bag upang mas maging kumportable ang kaniyang pagtulog sa may Roxas Boulevard.

Si George Bendicion, 54, naman ay 24 taon nang naninilbihan sa Senado at ngayon ay dinatnan ng matinding ubo na nagsimula dalawang buwan na ang nakakalipas.

Si Darwin Hilario naman, na nasa Public Relations and Information Bureau (PRIB), ay patuloy lang sa kaniyang trabaho kahit pa man namamaga ang kanan niyang mata matapos aniyang makagat ng insekto habang natutulog.

Nagkaroon rin umano siya ng malalaking rashes sa kaniyang mga braso dahil sa hindi pa nalalamang dahilan.

“Dati, hinahayaan sina Wawi na matulog sa mga opisina sa Senado. Ngunit pagkatapos ng ilang insidente ng pagnanakaw, hindi na pinayagan ang sinumang empleyado o personnel na mag-overnight,” ani Angara. 

“May isang gabi nga na biglang umulan. Lahat silang natutulog sa damuhan ay lumipat at sumilong sa walkway na may green na bubong sa labas ng Senado. Kaso, hindi pa rin nila naiwasang mabasa dahil may mga butas ang bubong sa walkway,” dagdag niya.

Hinimok ni Angara na aksyunan agad ng pamunuan ng Senado itong isyung ito at pansamantala man lang hayaang matulog ang mga janitor sa kanilang covered court habang ginagawan ng paraan ng mga Senado ang kanilang kalagayan.

Sinegundahan naman nina Senators Richard Gordon at Cynthia Villar ang panawagan ni Angara.

Inirekomenda ni Villar na i-refer ang isyu sa Committee on Accounts, ngunit ani Senate President Pro Tempore Ralph Recto ay kailangan na agad itong solusyunan.

Sa huli, inutusan ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na agarang makipag-ugnayan ang Senate committee on accounts sa Senate Secretary upang maghanap ng mabilisang solusyon dito.

Sinuportahan ng mga senador ang mosyon ni Sotto.

Hinihintay naman ng ABS-CBN News ang pahayag ni Senate President Koko Pimentel kung hahayaan panandaliang matulog sa loob ng gusali ang mga empleyado para na rin sa kanilang kaligtasan.