'Tanim-droga', iniimbestigahan na ng CHR

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 07:04 PM | Updated as of May 09 2017 11:32 PM

Inatasan na ng Commission on Human Rights ang kanilang mga imbestigador para silipin ang kaso ng umano’y 'tanim-droga' sa Bacolor, Pampanga.

Nitong Abril 26, kinasuhan ang government employee na si Wilgelmo Galura at pinalabas na nahuli sa buy-bust operation. Nakatakas daw siya pero dahil naghagis umano siya ng baril at droga, gagamitin iyong ebidensiya laban sa kanya.

‘Yun nga lang may CCTV sa kanilang bahay at may salaysay mula sa ilang testigo na nagpapatunay na wala siya noong mangyari ang buy-bust.

Lumalabas pa na puwersahang pinasok ang bahay ni Galura ng 11 operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-Region III, Bacolor Pampanga police, at Provincial Drug Enforcement Unit. Pinagnakawan pa umano sila ng P300,000 halaga ng pera at alahas.

Ayon sa CHR, malinaw na paglabag sa manual of operation ng PNP ang hindi pagsusuot ng uniporme ng mga operatiba habang dalawa pa sa kanila ang nakasuot ng face mask. 

Paglabag din daw ang puwersahang pagpasok ng mga pulis at paghalughog sa bahay kahit walang search warrant at hindi man lang itinimbre sa mga opisyal ng barangay.

Umalma rin ang abogado ni Galura nang makakuha ng dokumento mula sa PDEA na nagsasaad sa kanilang certificate of coordination na nakumpleto bandang alas-3 ng hapon pa lang ang kanilang pre-operation report at authority to operate.

Tila saliwa raw ‘yan sa salaysay ng mga arresting officer na alas-4 pa lang ng hapon dumating ang kanilang asset. 

Dumepensa ang PDEA at sinabing nangyayari raw talaga iyong pagkakaiba ng oras sa mga report.Tiniyak naman nilang iimbestigahan ang insidente.

Sa ngayon, hindi na muna umuuwi sa kanilang bahay si Galura at ang kanyang misis dahil sa takot sa kanilang seguridad.

Pati raw tatlong anak nila sa Middle East, apektado na rin sa sinapit ng padre de pamilya.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.