SAPUL SA CCTV: Paghabol sa magnanakaw ng bisikleta

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 05:56 AM

Sapul sa CCTV ang ginawang paghabol at paghuli ng taumbayan sa isang lalaking nagtangkang magnakaw ng bisikleta sa Pasig City.

Kuha ang CCTV footage sa isang barangay sa Pasig City, Lunes alas-8 ng gabi.

Naglalakad ang isang lalaking nakasombrero papunta sa gate ng isang apartment building. Maya-maya, pumasok siya sa gate.

Wala pang 10 minuto, lumabas ang lalaki na may bitbit nang mountain bike.

Galing pala siya sa apartment unit ni Errol Belmonte. Wala si Belmonte sa kanyang inuupahang unit nang mangyari ang pagnanakaw.

Pero habang papalabas na ang suspek bitbit ang bike, nakasalubong niya si Belmonte.

Dito na nataranta ang suspek at mabilis na tumakbo.

Sa mga kuha ng CCTV, makikitang kung saan-saang kalsada na ito pumasok para lang makatakas.

Mabuti na lang at nakamonitor noon ang security force ng barangay, kaya't agad na nahabol at nahuli ang lalaki.

Kinilala ang nagnakaw ng bike na si Bryan Hernandez. Ayon sa barangay, dayo lang sa lugar ang suspek.

Nahaharap si Hernandez sa kasong theft.

Para maiwasan namang mabiktima ng mga kawatan, ugaliing isarado ang gate ng bahay kapag lumalabas; gumamit ng double-lock sa mga bintana't pintuan; makatutulong din ang pagkakaroon ng alagang aso bilang animal barrier, at iwasang maglagay ng mga mamahaling gamit katabi ng bintana at pinto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.