PatrolPH

Pangingikil, motibo sa 'tanim-droga' laban sa empleyado: abogado

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 10:14 AM | Updated as of May 09 2017 10:34 AM

MANILA - Pangingikil ang tanging motibo ng ilang law enforcer sa pagtatanim umano ng iligal na droga laban sa isang city engineer sa lalawigan ng Pampanga, giit ng kanyang abogado Martes.

"Unang-una, iyung kliyente ko, kilala naman sa kanilang komunidad bilang isang matinong tao. Iyung mga kaibigan niya, magpapatunay na wala talaga itong kinalaman sa mga iligal na gawain. Walang ibang puwedeng maging dahilan kundi iyung kuwartahan siya," ani Atty. Francis Miranda, abogado ni Bacolor city engineer Wilgelmo Galura.

Ayon sa mga pulis, nahuli si Galura sa isang buy-bust operation sa Barangay Sta. Ines, Bacolor nitong Abril 26 -- taliwas sa kuha ng CCTV camera na nagpapakitang wala siya sa lugar nang mangyari ang operasyon.

Sa affidavit ng mga arresting officer, nakasaad na kabilang si Galura sa 5 indibidwal na naaresto sa isang karinderya nang magkasa ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Pampanga Drug Enforcement Unit at mga pulis.

Tumakbo anila si Galura mula sa karinderya papunta sa kaniyang bahay, kaya hinabol siya ng mga pulis doon pero kinalauna'y nakatakas din.

Inihagis pa umano ni Galura ang isang .45 kalibre na baril at isang pakete ng hinihinalang shabu habang tumatakas, dagdag ng affidavit.

TINUTUKAN NG BARIL

Pero sa kuha ng CCTV, walang nakitang anumang habulan sa pagitan ni Galura at mga pulis.

Bagkus, makikita ang isang babae na naglalakad sa lugar habang hawak siya at tinututukan ng baril ng 1 pulis, kasama ang 10 pang mga armadong operatiba.

Ibinulgar ng babae na nobya siya ng isa sa mga naarestong suspek.

Pinatotohanan niyang wala si Galura sa lugar nang mangyari ang buy-bust at inutusan pa aniya siya ng mga pulis na tawagan ang enhinyero upang umuwi ito.

Anya, "Sabi sa 'kin, 'pag napauwi raw, absuwelto na iyung mga naaresto."

Sa isa pang CCTV footage, makikitang pumasok ang mga operatiba sa bahay ni Galura saka tinutukan ng baril ang kanyang kasambahay at 88-anyos na biyenan, na kapwa nila ikinulong sa isang kuwarto.

"Takot na takot ako tapos naririnig ko humahalughog sila sa kabilang kuwarto," kuwento ng kasambahay na si "Myrna."

Umalis ang mga opisyal makalipas ang 10 minuto at doon na tumambad ang mga nakabukas na cabinet sa sala, kusina at kuwarto.

NINAKAWAN NG ALAHAS

Nadiskubre ring nawawala ang nasa P100,00 halaga ng mga alahas at P200,000 cash na pampa-suweldo sana ni Galura sa mga tauhan ng kanyang negosyo.

"Kung wala akong CCTV doon, kawawa naman ako di ho ba. Lalabanan ko to buhay ko at personalidad ko sinira nila, hindi ako takot mamatay dahil tapos na ang mga anak ko," ani Galura sa panayam ng ABS-CBN News.

Nahaharap ngayon ang engineer sa mga kasong illegal possession of drugs at illegal possession of firearms.

Sa panayam ng DZMM, idiniin ni Atty. Miranda na wala sa listahan ng drug personalities ang kanyang kliyente, kaya nakapagtatakang itinuring itong "high-value target" sa operasyon.

Binanggit din niyang nakakaangat sa buhay si Galura dahil may construction business ito at nakapagpatapos na ng mga anak na pawang nakakuha ng trabaho sa ibang bansa.

Kakasuhan aniya nila ng planting of evidence ang raiding team kapag nakakalap na sila ng dagdag na ebidensya at nakumbinsi ang ilan pang testigo na lumutang.

Aminado naman ang Pampanga police na labag sa batas ang pagpasok sa isang bahay kung walang hawak na search warrant ang mga operatiba, tulad ng nangyari sa kaso ni Galura.

Inilihim din umano ng mga operatiba sa kanilang report ang paggalugad nila sa tahanan ng engineer.

"Kapag mayroon silang seeming lapses doon sa ginawa nila, kung intentional yung hindi paglagay doon sa affidavit of arrest doon sa pagpasok sa baha, at may nawala, kailangan nilang mag-explain," sabi ni Supt. Darwin Paz, legal officer ng Pampanga police.

Nangako ang provincial police office ng agaran at patas na imbestigasyon sa insidente kahit hindi pa nagsasampa ng pormal na reklamo si Galura.

-- May ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.