Pagsabog sa Quiapo, maaaring 'practice': eksperto

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 07:15 PM | Updated as of May 10 2017 12:08 AM

Nagbabala ang isang international security analyst sa posibilidad na konektado sa international terrorist group na ISIS ang mga pagsabog sa Quiapo. 

Ayon kay Dr. Rohan Gunaratna, hindi malayong test run o pagsasanay ng mga lokal na teroristang umanib sa ISIS ang mga pagsabog, lalo na at inako na rin ito ng grupo.

Paulit-ulit nang tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi terorismo ang motibo sa mga pagsabog. Pero nabanggit ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na maaaring bombmaker ng teroristang grupo ang gumawa ng mga pampasabog.

Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ngayon kung konektado sa kambal na pagsabog sa Quiapo nitong Sabado ang nadiskubreng IED sa Islamic Center sa San Miguel, Maynila.

Natagpuan ang pampasabog isang araw bago ang kambal na pagsabog.

Kabilang sa mga bahagi ng IED ang mga parte ng tubo at speaker pati na basyo ng shotgun.

Kumpirmado nang pareho ang bomb component ng IED sa pinasabog noong April 28. Samantala, ayon sa source ng ABS-CBN, may nakita ring pira-pirasong tubo sa pagsusuyod sa blast site nitong Sabado.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.