NPA, inako ang pag-atake sa Bukidnon

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 02:09 AM

Inamin ng New People's Army (NPA) noong Martes na sila ang responsable sa pag-atake sa isang security agency sa Valencia City, Bukidnon noong Biyernes ng gabi. 

Sa pahayag ni ka Ariel "Inda" Magbanwag, ang tagapagsalita ng NPA South Central Bukidnon Subregional Command, ginawa nila ang pag-atake dahil pinoprotektahan umano ng security agency ang interes ng mga bangko, negosyante, at mga kompanya na nagpapatupad pa din ng kontraktwalisasyon at endo sa mga manggagawa.

Paraan din umano nila ito para ipakita sa mga sundalo na malakas ang kanilang pwersa at marami pa din silang taga-suporta.

Ayon naman kay Capt. Joe Patrick Martinez, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) 4th Infantry Division (4ID), nakakakuha lang ng suporta ang mga rebelde dahil tinatakot nila ang mga tao.

Naglabas din ang NPA ng video ni Technical Sergeant Joseph Paredes, ang sundalo na binihag ng mga rebelde habang ni-raid nila ang opisina ng Daisa Security Agency.

Nagbigay ng mensahe si Paredes para sa kanyang pamilya na inaalagaan naman siya ng NPA at makakalaya rin siya.

Humingi rin siya ng tulong kay Bukidnon Governor Jose Maria Zubiri at Iglesia Filipina Independiente Cagayan de Oro Bishop Felixberto Calang na tulungan siyang makalaya.

Nananawagan din si Paredes sa mga kasamahan sa AFP na itigil muna ang kanilang operasyon laban sa NPA para sa kanyang ligtas na paglaya.

Pero sabi ng 4ID, hindi sila pwedeng magpatupad ng suspension of military operations.

"Previously when they kidnap some of our soldiers, the same process naman ang gibuhat nato we put pressure on them. The pressure also from stakeholders and eventually they released our soldier," ani Martinez.

Nangako si Calang na tutulungan nila bilang third party facilitator na makalaya si Paredes.

"The religious sector will be glad to help. We will ask the local National Democratic Front (NDF) and the NPA custodial unit na i-release for humanitarian reasons and at the same time to build confidence on the continuation of the peace talks," ani Calang.

Umaasa din si Calang na mapagkasunduan na ng NDF at gobyerno ang joint ceasefire bago magsimula ang pang-limang round ng peace talks ngayong Mayo 27 hanggang Hunyo 1 sa Netherlands.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.