Hapon, patay sa pananaksak sa Palawan

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 05:04 PM

PALAWAN - Patay ang isang Japanese national matapos itong pagsasaksakin sa loob ng bahay nito sa El Nido, Palawan noong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Naoko Germain Hiler, 73 taong gulang. Isa siyang Japanese national na may US citizenship.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, natagpuan ng anak nito na duguan at wala nang buhay ang kanyang ina na si Naoko pagdating nito sa bahay.

Nawawala rin ang isang safety box na pagmamay-ari ng biktima. 

Ayon sa tagapagsalita ng Provincial Police na si Police Senior Inspector Ric Ramos, posibleng pagnanakaw ang motibo sa krimen.

"Talagang nagkaroon po ng commotion, ayon dito sa imbestigasyon na isinagawa ng ating El Nido Municipal Police Station... At ang ikinamatay po nito ay yung multiple stab wounds po na tinamo po nitong biktima," aniya.

Sapul naman sa kuha ng CCTV ang isa sa dalawang posibleng may kagagawan sa krimen.

Nakita sa footage na kuha mula sa labas ng bahay ng biktima ang isang lalaki na may takip na tela ang mukha at nakasuot ng puting damit at pantalon.

May bitbit itong patalim at tila nagmamasid-masid sa paligid. 

Makalipas ang ilang sandali, lumapit na ito sa pintuan ng bahay at tila sinusubukan na itong buksan.

Kinumpirma naman ng pulisya na kuha ito sa bahay ng biktima.

Hawak na rin ng mga awtoridad ang kopya ng CCTV footage na parte ng kanilang ginagawang imbestigasyon.

"Yung nakita po sa CCTV, dalawa po ang pumasok, at 'yan naman po ang talagang tinitingnan din ng ating mga kapulisan upang magkaroon po ng identity itong dalawang pumasok na ito," ani Ramos.

Kumakalat na rin sa social media ang kopya ng CCTV footage.

Nananawagan naman ang pulisya sa sinumang may impormasyon sa krimen na agad makipag-ugnayan sa kanila.

Samantala, kasalukuyang nakaburol sa El Nido ang biktima habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.