Dolphin, nailigtas ng mga mangingisda sa Camarines Sur

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 08:48 PM

CAMARINES SUR - Isang dolphin ang nailigtas ng mga mangingisda sa dagat ng Barangay Pasay sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur Martes ng umaga.

Ayon sa rescue team, unang nakita ang dolphin na lumalangoy sa mababaw na bahagi ng dagat bandang 5:00 ng umaga.

Napansin rin ang panghihina nito, kaya agad na ipinagbigay alam ang insidente sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Lumalabas sa pagsusuri na isang Risso's dolphin ang nakita ng mga mangingisda. May sugat ito sa may ulo na posibleng rason ng panghihina nito.

Agad naman itong nabigyan ng lunas at dinala sa mas malalim na bahagi ng dagat sa pag-asang tuluyan nang gumanda ang kondisyon nito.

Pangatlong beses nang may napadpad na dolphin sa lugar ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.