Babae at kalaguyo umano, patay sa saksak habang nagtatalik

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 04:25 AM | Updated as of May 10 2017 10:33 PM

MANILA - (UPDATED) Patay ang isang ginang at kanya umanong kalaguyo matapos pagsasaksakin ng kinakasama ng babae sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Miyerkules. 

Ayon sa mga opisyal ng barangay, umuwi ang suspek na si "Bernard" at nadatnang nakapatay ang ilaw sa kanilang bahay. 

Nang pumasok sa tahanan, nakita umano ni Bernard ang kinakasamang si "Marie" na kasama ang isang lalaking walang damit pang-itaas. 

Gamit ang gunting, pinagsasaksak ni Tolitol ang kinakasama at hindi pa nakikilalang lalaki. 

"Nakita ko sila nagse-sex. Pinagsasaksak ko," pag-amin ng suspek. 

Sumuko naman sa barangay si "Bernard" matapos ang krimen. 

Sampung taon nang nagsasama sina Bernard at Marie. Mayroon silang 2 anak. 

Nitong Oktubre, umuwi sa Samar si Bernard dahil may inasikaso pero nabalitaan niyang nangangaliwa umano ang kinakasama kaya siya surpresang bumalik sa Quezon City. 

Aniya sa nagawang krimen, "May kaunting pagsisi kahit papano." 

Nahaharap sa kasong homicide si Bernard. 

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang suspek at nasawing ginang para sa kapakanan ng kanilang 2 anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.