80,000 schoolbags, target ibahagi ng Lingkod Kapamilya

Leonard Christopher G. Clapano

Posted at May 09 2017 02:25 PM | Updated as of May 10 2017 12:11 AM

Schoolbags ang konting pabaon ng Lingkod Kapamilya sa mga batang gustong mag-aral. Unang araw ng pamamahagi ng mga bagong bag kahapon. Photo by Leonard Christopher G. Clapano

Simple lamang ang pangarap ng batang si NadNad Mendenilla, Grade 6 pupil ng Hermosa Elementary School sa Hermosa, Bataan. Nais niyang makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng disenteng trabaho upang matulungan ang mga magulang at limang kapatid. Paekstra-ekstra sa paglalaba ang kanyang nanay na si Mary Jane, at janitor naman ang amang si Lowel.
 
Madalas na sumasama si Nadnad sa ina tuwing may labada. Siya ang taga-bomba ng tubig sa poso. Sa kinikitang P300 kada laba, at sa kakarampot na kita ng ama, inaasahan na ni Nadnad na papasok siyang hindi kumpleto ang gamit sa eskuwela at magtitiis muna sa lumang bag.
 
Gayundin ang batang si RJ Basalo, na papasok bilang Grade 1 sa Orani North Elementary School sa Orani, Bataan sa Hunyo. Limang buwan nang nagda-dialysis ang amang si Ronnie kaya naman hirap ang inang si Joy sa paghahanap ng panustos sa mga pangangailangan. 

Dahil dito naisipan nilang i-recycle na lamang sa pasukan ang mga lumang notebook ni RJ, gayundin ang kanyang lumang bag. Pangarap ni RJ maging doktor at tumulong sa mga maysakit at, higit sa lahat, sa kanyang pamilya.
 
Ilan lamang sina Nadnad at RJ sa mga batang patuloy na nangangarap sa gitna ng mga bagyo sa buhay. Sila ang inspirasyon ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa paglulunsad ng balik-eskuwela project na “Gusto Kong Mag-aral.” 

Layon nitong bigyan ng school bags na may lamang school supplies ang mahigit 80,000 mag-aaral sa elementarya mula Luzon hanggang Mindanao. Pangunahing target ang mga lugar na laganap ang kahirapan at madalas hagupitin ng kalamidad. Ang proyekto ay pinangungunahan ng Operation Sagip.

Unang araw ng pamamahagi kahapon at 1,320 mag-aaral ng Hermosa Elementary School at Orani North Elementary School sa Bataan ang binahaginan ng mga bagong bag. Labis ang pasasalamat ng mga pamilya ni Nadnad at RJ sa mga tinanggap, na anila ay malaking tulong sa pag-aaral.
 
“Sabi ko nga, iyan lang din ang maipapamana namin… na hindi makukuha ninuman. Iba po ang may pinag-aralan,” sabi ni Mary Jane Mendenilla. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.