4 na pulis-Makati, timbog sa extortion at kidnapping

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 04:51 AM

Arestado ang apat na pulis-Makati matapos silang ireklamo ng mga biktima umano ng extortion at kidnapping. 

Puwersahan umano nilang dinala ang isang lalaki at ang kanyang kasintahan at hindi pinalaya hangga't hindi nakapagbigay ng pera.

Matapos kumagat sa entrapment operation, hinuli ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ng Camp Crame sina PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynas, PO1 Tim Santos, at PO1 Jeffrey Cañete ng Makati PNP. 

Sila ang itinuturo ng isang alias "Mark" na puwersahang dumukot sa kanya at kanyang kasintahan Lunes ng hapon.

Humingi umano ng P400,000 ang pulis. 

"Sinabi ko wala ako ganung kalaking halaga, may pulis nag-offer, sabi kung may sasakyan ka, isangla mo kapalit ng kalayaan mo," ani Mark.

Martes ng madaling araw, pinalaya si Mark at kanyang kasintahan matapos makapagbigay ng pera mula sa isinanglang kotse ng ama. 

Bumaba sa P250,000 ang hinihingi ng mga pulis matapos makipag-bargain ng biktima. P100,000 muna ang kanyang naibigay mula sa pinagsanlaan.

"Kung di ko makumpleto ang kulang, uubusin ang pamilya ko," aniya.

Dito na nagsumbong sa pulis si Mark, na naging resulta ng pagkakahuli ng apat. 

Ayon kay Senior Supt. Jose Malayo, hepe ng PNP-CITF, maaaring may iba pang biktima sa Cavite at Tagaytay ang mga suspek. 

"Kung may victim... come to our office para mag-file ng kaso," ani Malayo.

Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang apat na naarestong pulis na nahaharap sa kasong robbery/extortion at kidnapping. 

May tatlo pang kasama ang grupo na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.