2 suspek sa droga, tiklo sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 10:46 PM

ILOCOS SUR – Dalawang suspek ang arestado sa Ilocos Sur matapos makuhanan ng ilegal na droga sa magkahiwalay na operasyon nitong Sabado at Linggo.

Timbog sa magkahiwalay na police operation sina Elmer Benedicto Sajor at Jimmy Elizaga.

Nahuli si Sajor sa bayan ng Cabugao sa pagpapatupad ng search warrant sa kanyang bahay sa Barangay Quezon. Nakuha sa loob ng isang maliit na pouch bag ang anim na plastic sachet na may laman na shabu, dalawang sachet na may laman na dried marijuana, at drug paraphernalia.

Itinanggi ni Sajor na sa kanya ang mga sinasabing ilegal na droga.

Nag-negatibo ito nang sumailalim sa drug testing, kaya teorya ng pulisya, nagbebenta na lamang ito sa ngayon para may gamitin sa kanyang mga bisyo.

Sa Barangay Sabangan sa bayan naman ng Santiago nahuli sa Elizaga. Nakuha sa kanyang bahay ang 13 plastic sachet na may laman na shabu, kabilang ang ilang ginagamit sa pag-repack ng shabu.

Paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kasong haharapin nina Sajor at Elizaga na nakakulong pa sa istasyon ng pulisya sa mga bayan kung saan sila nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.