2 pulis arestado matapos 'mangtrip' at mamaril ng 2 lalaki

ABS-CBN News

Posted at May 09 2017 06:29 PM

CABANATUAN CITY-- Arestado ang dalawang pulis matapos pagbabarilin ang dalawang lalaki habang sabog umano sa droga.

Sa isang follow-up operation, arestado sina PO3 Michael Coronel at PO1 Franklin Hizon matapos nilang "pag-tripan" at pagbabarilin ang dalawang lalaking kinilalang sina Allen Valenzuela, 33, at Marlon Erandio, 29.

Nadala naman sa ospital ang isa pang biktima na si Armando Fajardo Jr., 20 anyos.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nadatnan ng 3 biktima ang 2 dating pulis na gumagamit daw ng shabu sa bahay ng isang Babylin Cabling noong Mayo 5.

Nakahandusay, nakasuot lang ng kanilang panloob at walang buhay nang nadatnan ng pulisya sina Valenzuela at Erandio.

"Pinagtitripan sila, binubugbog hanggang sa pinagbabaril sila," ani PSupt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.

Sinampahan ang mga pulis ng 2 counts of murder at frustrated murder.

Si Coronel ay kaka-reinstate lang habang si Hizon ay tinanggal sa hanay dahil sa pamemeke ng eligibility nito.

Ayon naman kay PSupt. Antonio Yarra, provincial director ng Philippine National Police Nueva Ecija, patuloy ang ginagawang internal cleansing sa kanilang hanay.

"Madami kami ginagawa sa kanila. May mga nakasuhan na rin at tuloy-tuloy yan," aniya.

--Ulat mula kay Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.