1 toneladang shabu, nasa imbakan ng PNP crime lab

Henry Atuelan, DZMM

Posted at May 09 2017 07:24 PM | Updated as of May 09 2017 09:19 PM

MAYNILA - Aabot sa isang tonelada ng nasabat na ilegal na droga ang nasa imbakan ngayon ng Philippine National Police Crime Laboratory sa Camp Crame sa Quezon City.

Ito ang ipinahayag ni Superintendent Victor Trapete, ang hepe ng Chemistry Division ng PNP Crime Lab, alinsunod na rin sa kautusan ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na i-account ang mga droga na nasa pag-iingat ng tanggapan.

Banggit ni Trapete na naipon ang ilegal na droga mula pa noong 1977 dahil sa kawalan ng court order para mai-dsipose ang mga ito.

Paliwanag pa ng opisyal na ginagamit ang droga bilang ebidensiya sa kaso, dahilan para hindi agaran itong mai-dispose.

Pinakamarami naman sa mga drogang nakaimbak sa Camp Crame ay nasabat noong 2015 na umabot sa 44 na kilo.

Tiniyak din ni Trapete na mahigpit ang seguridad sa imbakan ng droga at malabong magkaroon ng recycling ng droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.