PatrolPH

Aplikasyon para sa mga bagong reclamation project, tigil muna: PRA

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 08 2023 07:21 PM

Kuha ng reclamation project sa Manila Bay nitong Pebrero 2023. Mark Demayo, ABS-CBN News.
Kuha ng reclamation project sa Manila Bay nitong Pebrero 2023. Mark Demayo, ABS-CBN News.

Kasunod ng pagkabahala ng ilang senador at publiko, hindi na muna tatanggap ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ng mga aplikasyon para sa mga panibagong reclamation project sa Manila Bay at sa buong bansa.

Ayon kay PRA assistant general manager Atty. Joseph Literal, kasunod ito ng direktiba ng pangulo at hinaing ng publiko sa maaaring maging epekto ng mga reclamation project sa kalikasan at kabuhayan ng mga maaapektuhang residente. 

Gayunman, hindi na sakop ng moratorium ang unang naprosesong 22 aplikasyon.

"May 22 na na-process na, iba-ibang siyang stages, approved, for implementation, subject for compliance, hindi na siya covered ng moratorium. Ang lahat ng bagong appliction ngayon hindi na kami puwedeng tumanggap, except kung iaakyat namin kay OP for exception," aniya.

"Hindi namin puwede patigilin kasi may issue, kasi kung tutusin, na-address naman ang mga concern nila kaya nga yung moratorium ginawa ni presidente para hanggang dito na muna tayo ha and then kung ano yung mga new development, that will apply to new applications," dagdag ni Literal.

Kabilang sa mga nagpapatuloy na proyekto ang dalawang reclamation project sa Pasay at tatlo sa Bacoor, Cavite.

"Tuloy-tuloy kasi nag-comply naman sila lahat except that on the side of PRA, on the side of the other agencies or members of the multi-partite monitoring team, naka-focus na kami dun kasi nakita na namin ang issue so kami diligent na kami at naka focus na kami sa puwedeng ireklamo sa kanila," ani Literal.

Sa forum na pinangunahan ng DENR, Lunes, nagbabala ang ilang eksperto sa mga maaaring masamang epekto ng reclamation projects sa kalikasan.

Ayon kay Dr. Fernando Siringan ng University of the Philippines Marine Science Institute, malaki ang epekto ng reclamation activities sa pamumuhay ng mga tao at sa kapaligiran.

"Kung ano ang natakpan, wala na iyon, hindi na natin mababawi iyon, natakpan na siya e. Pangalawa, isipin natin ano ba ang ecosystem services ng mga ito, nung buhanginan, ng putikan, tawag natin putik and we think that putik, walang silbi, that't not true, mayroon siyang sariling kapakinabangan," aniya.

Para naman kay Dr. Theresa Lim, Executive Director ng Asean Center for Biodiversity, dapat isaalang-alang ang biodiversity ng bansa.

"To be able to strike a balance, consider biological ecosystem functions in decision making and if you are to develop mitigating measures, let's consider natuire based solutions together with innovations and technology to be able to eventually address some of the issues that we are facing now and come up with informed decisions on areas of reclamation," aniya.

Tiniyak naman ng PRA na pakikinggan ang mga rekomendasyon ng mga ekperto sa pagproseso ng mga bagong aplikasyon sa oras na tangallin na ang moratorium.

"Yung mga comment ng environmental planners, tine-take into consideration na rin namin iyan, well hindi naman cast in stone iyang EO-74 at EO namin IRR, talagang dapat dynamic siya, it should answer all itong mga nangyayaring development na ito, so kung may lumabas ditong recommendation, I think we should consider that in the amendment or revison ng aming administrative order," ayon kay Literal.

Ngunit ayon kay DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, maaaring muling pag-aralan ang mga naunang na-approve na reclamation project.

"There is a possibility that we will have to negotiate or re-negotiate the way this approvals have been given. Again, the issue here is, to the best of our knowledge now and it took for a while now to took for this conclusion, individual approvals po yun hindi pwedeng individual approvals, kailangan commulaative impact ang tignan so we will probably have to talk to some of this proponents to actually see whether they need to address the challenges na nag-eemerge nga because of the science," aniya.

"This administration is taking a good look at the links between climate change, human development, economic development and seeing how in fact we need to take into consideration our environment as part of that question, so inextricable linkage, that's the term that we use. What we are trying to do now, may ecosystem service value iyan, paano iyan ma-compensate kung mawawala at ano yung valuation method na ginamit doon sa ecosystem value," dagdag ng kalihim.

Para naman sa National Chairperson ng grupong PAMALAKAYA na si Fernando Hicap, dapat nang itigil ang lahat ng reclamation projects dahil sa laki ng epekto nito sa kabuhayan ng mga mangingisda.

"Malinaw na ang reclamation ay isang delubyo sa buhay ng mga mangingisda at mga mamamayan na nakatira sa baybaying dagat dahil winawasak nito ang aming pinagkukunan ng kabuhayan at nakakaranas kami ng mararahas na demolition sa aming mga komunidad. Ang impact nito sa amin, ang kawalan ng kabuhayan at tirahan... Ang reclamation ay para lang sa pakinabang ng iilang negosyante at dayuhan sa ating bayan," aniya.

Mananatili ang moratorium sa mga aplikasyon para sa mga bagong reclamation project hanggang hindi ito inaalis ng pangulo, ayon kay Literal.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.