PatrolPH

Bisperas ng halalan: Bus terminals dinagsa ng mga uuwing probinsiya para makaboto

Wheng Hidalgo at Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at May 08 2022 02:54 PM | Updated as of May 08 2022 06:33 PM

Watch more News on iWantTFC

Isang araw bago ang halalan ngayong Lunes, dinagsa ang mga bus terminal ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya para makaboto.

Hanggang tanghali ng Linggo, mahaba ang pila ng mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX). May ilang nakapila para bumili ng ticket habang ang iba nama'y naghihintay na ng kanilang mga bus.

Ilan sa mga nakapanayam ng ABS-CBN News ay mga chance passenger, na maaga umanong pumila at nagbabakasakaling makakakuha ng biyahe kahit gabi ng Linggo.

Ang mahalaga anila'y makarating sila sa kani-kanilang mga bayan at umabot sa pagboto.

Karamihan sa mga pasahero ay ngayon lang nakaliban sa trabaho kaya ngayon lang nakabili ng tiket at bibyahe, kaya titiyagain na umano nila ang paghihintay.

Mahalaga kasi para sa kanila na bumoto para manatiling activated sa Commission on Elections at masuportahan ang kandidatong nais nilang iluklok sa puwesto, anila.

Marami rin sa mga pasahero ang nagsabing babalik din sila sa Metro Manila sa Martes, pagkatapos ng halalan.

Ayon kay PITX Spokesperson Jason Salvador, inasahan na nila ang pagdagsa ng mga pasahero ngayong weekend.

Bagaman sapat ang mga bus para sa mga naka-schedule na biyahe, may ilan umanong slot para sa chance passenger.

Naghahanap na rin umano ang pamunuan ng PITX ng dagdag na bus para mapunan ang pangangailangan ng mga pasahero.

Tiniyak ng PITX na nasusunod pa rin ang health protocols laban sa COVID-19 kahit maluwag ang pagbiyahe ngayon.

Pinaghahandaan na rin umano ng PITX ang pagbalik ng mga biyahero.

Dagsa rin ang mga biyahero sa mga terminal sa Cubao, Quezon City, kung saan karamihan ng mga biyahero ay patungong central at northern Luzon.

Patuloy na umiiral ang 20-minute trip interval sa mga biyahe ng bus upang mas mapabilis ang pagbawas ng mga pasahero sa terminal.

May mga dagdag na biyahe na rin ang rutang patungo sa Pangasinan at Baguio.

May alternatibong sakayan naman ang mga pasahero, gaya ng UV Express, subalit halos doble ang pamasahe rito kompara sa bus.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.