PatrolPH

Ama patay sa umano'y pamamaril ng pulis na anak sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at May 08 2022 02:28 PM | Updated as of May 09 2022 12:19 AM

Retrato mula sa Cagayan police
Retrato mula sa Cagayan police

(UPDATE) Patay ang isang 73 anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng anak niyang pulis sa bayan ng Baggao, Cagayan, sabi nitong Sabado ng pulisya.

Ayon kay Capt. Isabelita Gano, public information officer ng Cagayan police, bago mangyari ang insidente noong Miyerkoles ay hinanahanap ng mga kapatid ng pulis ang kanilang ama para pakiusapang itigil na nito ang pananakit sa kanilang ina.

Nagalit umano ang biktima nang malamang hinahanap siya ng kanyang mga anak kaya pumunta ito sa bahay ng isa sa kanyang mga anak. 

Nang puntahan ng biktima ang isa sa kanyang mga anak ay dito na umano ito nanggulo. 

Dito na tumawag ang manugang ng biktima sa suspek para magpatulong. 

"Tumawag itong asawa ng pamilya niya sa pulis dahil itong pulis, ang pinakabunso, para i-pacify 'yong ginagawa ng tatay kasi natatakot na ang mga apo niya dahil mayroon po siyang dalang baril," ani Gano.

Agad namang sumaklolo ang suspek at nang makarating sa lugar ay nakita umano niyang bubunutin na ng ama ang kaniyang baril. 

"Base sa report ay nakita niya na babarilin na niya ang anak niya. So ang ginawa nitong pulis ay inunahan siya. So ang nangyari ay binaril niya ang tatay niya," ani Gano.
 
Agad namang isinuko ng pulis ang kaniyang baril sa isang retiradong pulis na nakatira malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comelec gun ban at parricide ang suspek.

— Ulat ni Grace Alba

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.