PatrolPH

Sampaloc muling magsasagawa ng targeted mass testing

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at May 08 2020 05:05 AM

Magsasagawang muli ng targeted mass testing ang pamahalaang lungsod ng Maynila at ng Ospital ng Sampaloc sa piling lugar sa Sampaloc ngayong Biyernes.

Magsisimula ng alas-8 ng umaga at matatapos ng alas-4 ng hapon ang targeted mass testing sa covered basketball court ng Barangay 435. 

Layon nitong matukoy ang mga probable case na makakatulong sa laban kontra novel coronavirus.

Ito na ang ikalawang beses na magsasagawa ng mass testing sa Sampaloc. Unang ikinasa ang mass testing sa barangay noong Abril 23 kung saan isinailalim ang buong Sampaloc sa 48-hour lockdown.

Sa pinakahuling tala ng lokal na pamahalaan ng Maynila, may 118 aktibong kaso ng COVID-19 na nakatira sa Sampaloc, pangalawa sa pinakamataas sa siyudad. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.