PatrolPH

'New era': Pagbabalik-ere ng TV Patrol, Teleradyo online pinapurihan

ABS-CBN News

Posted at May 08 2020 01:17 PM | Updated as of May 08 2020 10:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) - Namayani ang pagbubunyi nang magbalik sa ere sa nakalipas na araw ang TV Patrol at Teleradyo online - bagay na itinuring ng ilan na "dawn of a new era."

Ito ay matapos tumigil sa pag-ere ang Channel 2 at ng DZMM, sa bisa ng cease and desist order na inilabas ng National Telecommunications Commission, ngayong napaso ang prangkisa ng ABS-CBN noong Mayo 4.

Aabot sa mahigit 8 milyong views ang naitala ng TV Patrol sa Facebook sa pagbabalik nito.

Napuno rin ng pagbubunyi ang social media nang magsimulang umere ang TV Patrol sa Facebook Live at sa Youtube ng ABS-CBN News.

Inabangan din ngayong Biyernes ang pag-ere ng Teleradyo sa cable television at sa online.

Sa social media, kanya kanya ng post ang mga netizen para ipakita kung gaano sila kasaya at kasabik sa pagbabalik ng teleradyo.

Ang ilan sa kanila nagselfie pa sa tabi ng ng TV para ipakita na napapanod na nila ulit ang kanilang mga paboritong anchor sa teleradyo.

Habang ang iba naman sinabing naging maganda ang kanilang gising dahil pagbukas ng TV napapanood na nila ulit ang mga programa ng Teleradyo.

Ikinuwento pa sa comment section ng iba kung gaano sila nalungkot at kung gaano nila na-miss ang mga programa.

Gayunman, may mga nag-aalala din ngayong online lamang maaabot ang mga naturang platform ngayong may banta ng COVID-19.

Kahit pa man maraming Pillipino ang nakakapanood ng TV Patrol sa online at cable TV, iginiit ng isang eksperto na nawalan ng pagkukuhanan ng internet ang maraming Pinoy ngayong wala na sa free TV ang ABS-CBN, ayon sa isang grupo.

“Lumabas ka nga lang ng Metro Manila eh, mararanasan mo na unti-unti ang pagsama ng kalidad ng internet. Dapat di natin kalimutan na malaking parte pa rin ng Pilipinas ay rural area, nasa probinsya,” ani Mary Grace Santos, lead convenor ng Better Broadband Alliance.

May bayad aniya ang data, at baka hindi rin lahat ng pamilya ang kayang magbayad palagi para sa panonood ng balita.

Ayon kay Vergel Santos, dating pinuno ng Center for Media Freedom and Responsibility, delikadong mensahe ang pinapadala nito sa iba pang media group.

Pero giit niya, kung ano mang paraan ang puwedeng magamit ng ABS-CBN, dapat nitong gamitin at paghusayan at ipagpatuloy ang paghatid ng kinakailangang impormasyon sa publiko.

Bagamat may ilan pa ring mga negatibong kumento, nangibabaw naman ang pasasalamat ng mga sumusubaybay na nasa ibat ibang bahagi ng mundo na nakatutok sa muling pagbabalik ng ilang news programs ng network.

— May ulat nina Raya Capulong, Jacque Manabat, at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.