Ano'ng maaaring gawin ng Korte Suprema kontra sa ABS-CBN shutdown?

ABS-CBN News

Posted at May 08 2020 09:11 AM | Updated as of May 08 2020 09:47 AM

Ano'ng maaaring gawin ng Korte Suprema kontra sa ABS-CBN shutdown? 1
Nagtipon sa labas ng ABS-CBN Broadcasting Center ang ilang empleyado nito kasama ang mga advocate ng kalayaan ng pamamahayag, Pebrero 21, 2020. Gigie Cruz, ABS-CBN News/File

MANILA - Dumulog ang ABS-CBN Corp sa Korte Suprema para harangin ang utos ng National Telecommunications Commission na itigil ang pag-ere ng pinakamalaking media station sa bansa.

Ano nga ba ang mga agarang remedyo na maaaring ibigay ng hukuman sa istasyon?

Magtitipon ngayong Biyernes ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa isang en banc session, kung saan maaari nilang i-"raffle" ang kaso, na nangangahulugang ia-assign ito sa isang ponente, ayon sa abogadong si George Garcia.

Habang inaaral pa ng ponente ang kaso, ilang pagkakataon na aniyang naglabas ang Chief Justice ng temporary restraining order laban sa mga polisiya o insidente na nagdulot ng "irreparable injury."

Sa kaso ng ABS-CBN, maaari aniyang maituring na irreparable injury ang panganib na mawalan ng trabaho ang 11,000 nitong manggagawa.

"Pupuwede po iyang (petisyon ng ABS-CBN) mai-raffle sa araw na ito, maisama sa kanilang pag-uusapan," ani Garcia sa panayam ng DZMM.

"O kaya, iyong mismong ponente na, baka po kasi ma-raffle ngayong umaga, mapag-aralan niya... puwedeng mag-advise halimbawa sa ating Punong Mahistrado paki-issue niyo nga po kaagad ng TRO, subject sa confirmation na lang later ng Supreme Court en banc," dagdag niya.

Watch more on iWantTFC

Nitong Marso, nangako ang NTC na papayagan nito ang operasyon ng ABS-CBN habang hindi pa natatalakay ng mga mambabatas ang ilang panukalang batas para ma-renew ang prangkisa nito na napaso noong Lunes.

Tinutulan ni Solicitor General Jose Calida ang naturang pahayag ng NTC at sa halip ay hinikayat ang komisyon na maglabas ng cease-and-desist order laban sa network.

Ipinahinto ng NTC ang operasyon ng ABS-CBN nitong Martes at binigyan ito ng 10 araw para ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat bawain ng frequency.

Pinapagamit ng gobyerno ang frequency sa mga binibigyan ng prangkisa para mag-broadcast sa radyo at telebisyon.

Ilang media outfit ang pinayagan dati ng NTC na makapagpatuloy ng operasyon habang nakabinbin sa Kongreso ang renewal ng kanilang prangkisa, ani Garcia.

Sa ilalim ng batas, dapat aniyang magkaroon ng equal protection o pantay na pagtrato.

"Doon papasok ang aspeto na tinatawag na grave abuse of discretion [ng NTC] dahil hindi pantay ang pagtingin sa bawat isa," sabi ng abogado.

Maaari naman aniyang i-lift ng NTC ang sarili nitong utos laban sa ABS-CBN. Sakaling ganito ang mangyari, magiging "moot and academic" ang petisyon ng network para sa temporary restraining order kontra sa pagsasara nito.