Mga posibleng aberya sa halalan pinuna

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 10:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang araw bago ang halalan, naglalabasan na ang hinaing ng ilang grupo na posible umanong maging problema sa mismong botohan sa Lunes.

Nitong Miyerkoles, nakatanggap ng mga ulat ng insidente ng aberya sa vote counting machines.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), makakapaglabas daw sila ng detalyadong ulat pag natapos ang lahat ng final testing and sealing (FTS) sa Linggo.

"Meron tayong concerns about some machines na medyo mabagal mag-start up. I think one machine failed the diagnostic and had to be swapped out," sabi ni Comelec spokesperson James Jimenez. 

Parehong aberya?

Inaasahan naman ng grupong Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na mauulit sa halalan 2019 ang aberya noong halalan 2016 dahil parehong mga makina lang din ang ginamit.

"'Yung ginamit noong 2016 'yun pa din ang gagamitin ngayon. As for the machines, kung ano ang problema noon, malamang magiging problema din ngayon," sabi ni LENTE executive director Atty. Ona Caritos.

Pinuna naman ulit ng ilan ang umano’y kahinaan ng automated election system sa bansa. 

Dismayado ang National Citizens' Movement for Free Elections (Namfrel) na hindi pinagbigyan ng Comelec ang mga panukala nila para mapabuti ang pagbabantay sa halalan gaya ng open election data system.

Ito raw ang dahilan kaya umatras sila sa accreditation nito sa random manual audit o mano-manong bilangan ng ilang makina pagkatapos ng halalan para matiyak ang mga bilang nito.

Nitong Miyerkoles, naglunsad na rin ang Comelec ng "Task Force Kontra Bigay" laban sa vote buying kasama ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Department of the Interior and Local Government, at Integrated Bar of the Philippines.

Sa ngayon, 10 reklamo ng vote buying ang iimbestigahan ng Comelec.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.