Mag-asawang magsasaka, patay sa pamamaril sa Davao Occidental

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 11:34 PM

DAVAO CITY—Patay ang mag-asawang magsasaka matapos pagbabarilin sa labas ng kanilang bahay sa Barangay San Antonio sa bayan ng Santa Maria, Davao Occidental, Martes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Bobby at Vilma Mangayao.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, away sa lupa ang isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen. Nakaalitan umano ni Bobby ang kaniyang kapatid na babae na humantong pa sa pagsasampa ng kaso sa korte.

Ayon kay Barangay Kagawad Aida Capoc, sakay ng 2 pick-up at may back-up pang naka-motorsiklo ang mga salarin.

Hindi naman makapaniwala ang nakatatandang kapatid ni Bobby na si Marlyn Nawal na may sasakay sa problema ng kanilang pamilya na hahantong pa sa patayan.

"Question mark sa amoa kung unsaon namu nga matagaan og hustisya ang kamatayon sa akong manghud ug sa akong bayaw . . . Dili naku madawat nga ing-ana ang nahitabo nga away raman unta sa pamilya nganong ing-ana," aniya.

(Malaking katanungan sa amin kung paano namin mabibigyan ng hustisya ang pagpatay sa aking kapatid at bayaw. Hindi ko matanggap ang nangyari na away lang naman ng pamilya. Bakit ganyan?)

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang mga salarin, lalo't walang nakukuhang plate number sa 2 pick-up at motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.