PatrolPH

Liberal Party, Magdalo nagsasabwatan para patalsikin si Duterte: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 06:32 PM | Updated as of May 08 2019 10:16 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Inakusahan ngayong Miyerkoles ng Malacañang ang Liberal Party at grupong Magdalo ng umano'y pagsasabwatan para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte at isulong ang kandidatura ng Otso Diretso.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, galing mismo sa pangulo ang impormasyon, at kasabwat din ng mga grupo ang mga mamamahayag at abogadong kasama sa naunang diagram na inilabas noong nakaraang buwan ng Palasyo.

"The President has received intelligence information that shows there is a deliberate conspiracy between certain groups to discredit his admin for purposes of this election and the groups," sabi ni Panelo.

Apat na bagong mga diagram ang inilabas ni Panelo ngayong Miyerkoles sa media, na tumutukoy sa mas malawak umanong kolaborasyon para patalsikin ang pangulo.

Inihayag din ni Panelo na may nakitang sabwatan sa pagitan nina Ellen Tordesillas ng Vera Files, dating presidential spokesperson Edwin Lacierda, Sen. Antonio Trillanes, Rodel Jayme, at iba pa.

Sinasabing may kaugnayan sa Liberal Party ang naarestong sharer ng "Bikoy" videos na si Jayme dahil siya umano ang administrator ng Facebook page na "The Aquino Legacy."

Si Jayme ang itinuturong gumawa ng website na nag-share ng "Totoong Narco-list" videos na nagtatampok kay alyas "Bikoy" at nagdadawit sa miyembro ng pamilya Duterte sa pangangalakal ng ilegal na droga.

Katuwang daw ni Jayme ang isang narrator.

Kasabwat din daw ng mga grupo si Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilalang "Bikoy."

Pinangalanan din ni Panelo ang ilang Liberal Party supporters, senatorial candidates ng Otso Diretso at ilang pribadong indibidwal na tumulong sa pag-upload ng videos ni "Bikoy."

Ayon kay Trillanes, mahina raw ang istoryang inilabas ng Malacañang na nagdadawit sa kanila sa "Bikoy" videos.

Sa isang pahayag, itinanggi ni Lacierda na sangkot siya sa "Bikoy" videos at tinawag na isang "grade school matrix" lamang ang inilabas ng Palasyo.

Nanindigan naman si Tordesillas na hindi siya sangkot sa sabwatan at hinamon si Panelo na maglabas ng ebidensiya.

Sinabi naman ng Rappler na mapanlinlang at mapanganib ang inihahayag ng Malacañang dahil tila nagiging katotohanan ang isang kasinungalingan kung paulit-ulit itong sinasabi.

Itinanggi ng Malacañang na propaganda ang mga diagram laban sa mga taga-oposisyon.

Ipinauubaya na raw ng Palasyo sa Department of Jusitce ang desisyon kung ano ang mga kasong nararapat isampa laban sa mga pinangalanan nila.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pag-aaralan niya agad ang "matrix" para matukoy kung may sapat na basehan para imbestigahan pa ito ng National Bureau of Investigation.

Noong nakaraang buwan, lumabas ang isang diagram - dokumentong may guhit o illustration ng umano ay koneksiyon sa isa't isa ng mga tao, mga mamamahayag at abogado, na idinadawit sa plano raw na pagpapatalsik sa pangulo.

Kabilang sa mga isinangkot na media groups ang Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism, at Vera Files, at grupo ng mga abogado na National Union of Peoples' Lawyers (NUPL). Itinanggi ng mga nabanggit na grupo ang paratang.

Inilathala ang dokumento na tinaguriang isang "matrix" sa pahayagang Manila Times sa mismong araw na ibabahagi dapat ni Panelo ang impormasyon sa mga mamamahayag.

--Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.