2 timbog sa umano'y pagbenta, pagbili ng boto sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 03:15 PM | Updated as of May 08 2019 04:27 PM

Naaresto noong Martes ang 2 lalaki sa Tagkawayan, Quezon dahil sa umano ay pagbili at pagbenta ng boto, ayon sa pulisya.

Nasita sa police checkpoint ang suspek na si Fredilino Cunanan dahil hindi siya nakasuot ng helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo, ayon kay Police Maj. Milo Tabernilla.

Nang hingin ng mga pulis ang lisensiya ni Cunanan, nahulog umano mula sa kaniyang bag ang mga sample ballot na may naka-staple na P500, ani Tabernilla.

Labintatlong piraso ng sample ballot na may tig-P500 ang nakumpiska sa suspek.

Nakasulat sa mga sample ballot ang pangalan ng tumatakbong gobernador, congressman, mayor, vice mayor at mga konsehal.

Inamin ni Cunanan sa mga pulis na coordinator siya ng isang tumatakbong alkalde.

Makalipas ang isang oras, sa nasabing checkpoint din nahuli si Darius Bonifacio, na nakuhanan ng sobreng may lamang sample ballot din na may naka-staple na P500 gaya ng kay Cunanan.

Inamin ni Bonifacio sa pulisya ang pagbebenta ng boto.

Kinasuhan si Bonifacio ng vote selling habang vote buying naman kina Cunanan at sa nasabing kandidato.

Sinusubukan pa ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng kandidato na naiuugnay sa pagbili ng boto.

Tinututukan na rin umano ng Commission on Elections sa lalawigan ang kaso.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here