Higit 500 nagtapos sa drug rehab program ng QC

ABS-CBN News

Posted at May 08 2019 06:42 PM | Updated as of May 08 2019 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aminado si alyas "Pearlie" na gumagamit siya noon ng droga dahil na rin sa impluwensiya ng mister na noo'y isa ring drug user.

"[Curious] ako kung ano'ng lasa, ano ang pakiramdam ng gumagamit," sabi ni Pearlie. 

Wala silang trabaho ng mister at palaging hikahos kung paano pakakainin ang pitong anak. 

Pero sa kagustuhan na magkaroon ng magandang kinabukasan para sa mga supling, sumuko si Pearlie sa mga awtoridad at nagdesisyong magbagong buhay. 

"Marami na akong nababalitaan kasi na pinapapatay or nahuhuli. Ayoko naman po maramdaman ng mga anak 'yun. Kawawa naman mga anak ko," sabi niya.

Ngayong Miyerkoles, isa na si Pearlie sa higit 500 nagtapos sa isang programa ng Quezon City para sa mga drug surrenderers. 

Sumailalim sila sa 15 modules o hakbang ng rehab program bago nakapagtapos. 

Nagtatrabaho na ngayon sa isang bakery si Pearlie.

Para hindi na bumalik sa dating bisyo ang mga tulad ni Pearlie, may aftercare program din ang Quezon City Anti Drug Abuse Council kung saan bibigyan ang mga graduate ng programa ng matiwasay na trabaho.

Sa ngayon, may 2,840 graduates na ang drug rehabilitation program ng Quezon City.

Gayumpaman, may natitira pang 13,000 drug surrenderers ang nakatakdang ma-evaluate para mapasok sa programa. —Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.